BAGUIO CITY
Ang kasalukuyang panahon ng tag-ulan ay nagiging sanhi ng pagtaas ng presyo at pagbabawas sa suplay ng mga pangunahing produktong
agrikultural, na siyang pangunahing alalahanin ngayon ng mga lokal na tindero sa siyudad ng Baguio. Ayon kay Monica Lino, isang tindera sa palengke, mas mataas ang halaga ng ilang gulay at prutas gaya ng broccoli, pipino, lemon, at kamatis. “May mga pagkakataong tumataas ang presyo, minsan naman ay bumababa. Nakasalalay ito sa dami ng suplay,” paliwanag niya. “Hindi sabay-sabay ang paggalaw ng presyo, at ito’y nakadepende sa sitwasyon at suplay.”
Dagdag pa ng isa pang tindero, mas limitado na rin ngayon ang suplay ng mga gulay tulad ng repolyo, sayote, at broccoli, dahilan upang
tumaas ang kanilang halaga. “Noong nakaraang linggo, tumaas ng 10% ang presyo ng broccoli. Sa ngayon, umaabot na ito sa ?120 kada kilo.” Bukod sa pagbabago ng presyo, naapektuhan din ang distribusyon ng mga produkto dahil sa masamang lagay ng panahon. “Nagkakaroon ng pagkaantala sa paghahatid ng mga produkto dahil sa mabigat na daloy ng trapiko at madulas na kalsada,” ayon sa isa pang tindero. “Kaya’t nahuhuli ang dating ng aming suplay.”
Humihiling naman ng pang-unawa ang mga tindero mula sa mga mamimili. “Hindi po namin kontrolado ang presyo,” paliwanag ni Lino. “May mga customer na inaakala na kami ang nagtataas ng presyo, pero ang totoo’y dulot ito ng limitadong suplay at epekto ng panahon. Ipinaliliwanag na lamang namin sa abot ng aming makakaya.” Ibinahagi rin ng isa pang tindero ang kanilang karanasan sa ilang turista. “May mga nais tumawad nang sobra. Kapag pumayag kami, hindi na namin naabot ang aming benta,” aniya. Sa kabila ng mga hamon, patuloy pa rin ang mga tindero sa pagbebenta at pag-aangkop sa sitwasyon, na may pag-asang mauunawaan ng publiko ang pagbabago sa presyo ng bilihin ngayong panahon ng tag-ulan.
Reanne Columbres/ UC-Intern
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025
June 14, 2025