“TARLAC, PUGAD NG MGA ILIGAL NA SUGALAN”

Pugad ng saklaan at pergalan “peryahan-sugalan” ang buong lalawigan ng Tarlac. Talamak ang iligal na mga sugalang sakla at “color games” sa mga peryahan sa Tarlac City at mga bayan ng Capas, Concepcion, Paniqui, at iba pa. Itinuturong pasimuno ang isang “JoJo” na nag-aalyas ding “Phyton” na diumano’y kumukumpas ng mga operasyon at kumukolekta ng weekly payola para sa mga Mayors, pulisya at iba pang mga nakikinabang dito. Masahol dito’y, mismong ilang mayor pa ang kasosyo ng mga kinukumpasan ni “Jojo/ Phyton” na operators ng mga saklaan at pergalan, kaya doble-doble ang kinikita ng mga ito.

P5K umano ang kinukubra ni “Jojo/Phyton” bawat lamesang pang-sakla araw-araw. Kung susumahin ito sa mahigit 80 lamesang-saklaan,
tumataginting na P400K araw-araw o P2.8M kada-linggo ang lagom para sa payola ng mga mayor, pulis at iba pa. Mas higit pa ang
kinukubra ni “Jojo/Phyton” bawat lamesa araw-araw sa mga pergalan nila “Charlie, Ricky, Lory, Gloria” at iba pa na nagkalat din sa probinsya. Hindi magawang umangal ang mga peryante/pergalan operators dahil bukod sa alam nilang iligal ang sugal sa mga perya, isinasangkalan ni “Jojo/ Phyton” ang protection ng mga Mayors, pulis at iba pang ma-impluwensiyang personalidad upang manatili ang mga operation nila.

Tahimik sa pagkakahimbing sina Tarlac Governor Susan Yap-Sulit, Tarlac police provincial director, Col. Miguel Guzman, ang
Sangguniang Panlalawigan ng Tarlac at iba pang kinauukulan ukol sa naglipanang mga sugalan sa probinsya. Wala na bang natitirang
pag-asa mula sa kanila upang sawatain ang iligalidad, itaguyod ang batas at unahin ang kapakanan ng taumbayan kontra sa mga sakit ng lipunan gaya ng sugal? Hanggang kailan ang pagpapabaya nila sa sinumpaang tungkulin sa mamamamayan at unahing atupagin ang lingguhan, buwanan at ilang taon nang kubransa ng salapi?

Amianan Balita Ngayon