TATLONG DRUG PERSONALITIES, ARESTADO SA BAGUIO

BAGUIO CITY

Bilang resulta ng patuloy na kampanya ng Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) laban sa iligal na droga, tatlong drug personalities ang naaresto sa Baguio City at P150,000.00 na halaga ng marijuana naman ang nadiskubre at sinunog sa Benguet noong Mayo 27. Sa Baguio City, isang 33-anyos na lalaki na naitala bilang Street Level Individual (SLI) ang naaresto, habang isang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 1 gram at Standard Drug Price (SDP) na P6,800.00 at isang glass tube na naglalaman ng dried marijuana leaves na may bigat na 3 grams at SDP na PhP360.00 ang nakumpiska sa isinagawang buy-bust operation
sa Brgy. Burnham-Legarda.

Dagdag pa rito, isa pang buy-bust operation ang inilunsad sa Brgy. Irisan, Baguio City, na nagresulta sa pagkaaresto ng dalawang lalaki, edad 25 at 33, na parehong natukoy bilang SLIs. Nakumpiska mula sa kanila ang dalawang sachet ng pinaghihinalaang shabu na may bigat na 0.7 grams at SDP na P4,760.00. Ang mga nasabing operasyon ay naging matagumpay sa pagtutulungan ng mga operatiba ng Baguio City Police Office, kaisa ang Regional Police Drug Enforcement Unit ng PRO CAR, Regional Intelligence Unit (RIU)-14, at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-CAR.

Ang mga suspek at nakumpiskang ebidensya ay dinala sa kustodiya ng lead operating units para sa kaukulang dokumentasyon at wastong
disposisyon. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Samantala, sa Benguet ay 750 fully grown marijuana plants na may SDP na PhP150,000.00 ang nadiskubre ng magkasanib pwersa ng Benguet Police Provincial Office, RIU-14, at PDEA-CAR sa isinagawang marijuana eradication operation sa Sitio Yong-awan, Brgy.
Badeo, Kibungan. Lahat ng nadiskubreng marijuana ay binunotat sinunog ng mga operatiba habang patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang plantasyon ng marijuana at mahuli ang mga responsable sa pagtatanim nito.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon