Taxi driver na tinakbuhan ang nabunggong kotse, inireklamo

Dumulog ang isang 25 anyos na lalaki sa tanggapan ng Baguio City Police Office – Traffic Unit upang ireklamo ang isang di nakilalang driver ng taxi na bumangga sa kotse nito noong Abril 16, 2018, dakong 6:30 ng umaga.
Sa salaysay ng nagreklamong si Mark Cyril Felix Sim, technician, residente ng Queen of Apostles, Lourdes Proper, Baguio City, ay isang driver ng Israel and Jay-ar Taxi na may plakang AAK-9951 ang nagkumbinse sa kanya na alisin ang kanyang Toyota Vios sedan na may plakang ACX-2437 sa dakong papasok sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) dahil diumano ay nagdudulot ito ng pagsikip ng trapiko sa naturang lugar.
Ngunit nang aalisin na ng biktima ang kanyang sasakyan ay nakita nito na nagtamo ng pinsala ang pareho nilang sasakyan.
Nang tinignan nila ang footage ng dash camera sa taxi ay nagkasundo ang dalawa na iulat ang insidente sa traffic office. Ngunit nang papunta na sa tanggapan ng pulis ay nagmaneho papunta sa direksyon ng Kennon Road ang taxi driver at hindi na nagpakita sa traffic office.

Amianan Balita Ngayon