BAGUIO CITY
Patuloy na tumataas ang kaso ng teenage pregnancy sa Cordillera mula 2023, ayon sa Commission on Population and Development (CPD). Batay sa tala ng CPD, umabot sa 2,392 ang kabataang nanganak noong 2023—mas mataas ng 71 kaso kumpara sa 2,321 noong 2022. Karamihan sa mga nakabuntis ay nasa legal na edad. Pinakamaraming kaso ng teenage pregnancy ang naitala sa Apayao na 477; Baguio City- 445; Kalinga-346; Mountain Province-315; Abra-279; Benguet-269 at Ifugao-259. Sa school year 2024-2025, 145 mag-aaral mula Grade 7 hanggang Grade 12 ang nabuntis.
Ayon sa Department of Education-Cordillera, 142 sa kanila ang ipinagpatuloy ang pag-aaral, habang ang nalalabi ay nag-dropout, na karamihan ay mula Grade 12. Ayon kay CPD-CAR Director Cecile Basawil, pabata nang pabata ang mga nabubuntis ngayon, at isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang impluwensya ng barkada at kakulangan sa sex education. “This is alarming kasi we all know one pregnancy is already too much. We now call it adolescent pregnancies dahil may mga kaso na rin ng 10 hanggang 14 years old. Pabata
nang pabata ang nabubuntis.”
Bilang tugon, nagpapatupad ang CPD ng mas maigting na information dissemination campaign upang hikayatin ang mga kabataan na
maging sexually healthy at personally empowered. Kasama rin dito ang pagsasanay sa mga guro ukol sa Comprehensive Sexuality
Education (CSE). “Information is power. How do we empower our adolescents? Yung ating mga anak, kailangan bigyan natin sila ng tamang impormasyon. At yun ang ginagawa ng ating mga partners sa LGU at DepEd through our Comprehensive Sexuality Education,”
paliwanag ni Basawil.
Ayon kay Joane Bumanghat ng DepEd-CAR Educational Support Services Division, bahagi na ng curriculum ang CSE. “Integrated na ito sa mga health at science subjects. Naituturo na kung paano nila inaalagaan ang kanilang katawan at kung ano ang dapat at hindi dapat gawin,” ayon kay Bumanghat. Hinikayat din nila ang barangay officials na paigtingin ang kanilang mga programa upang mapigilan ang pagdami ng teenage pregnancy.
Ramil Abenoja/UB-Intern
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025