SWERTE Pa rin naman tayong taga-Baguio. Pinakamataas na bahagdan ng temperature ay katanghalian, nasa 28C. Sa madaling araw, nasa 26C. May alab ng kaunti, pero ang init ng panahon unti-unti lang nararamdaman. Hindi tulad sa kapatagan, nanunuot, tagos sa buto-buto, ang init. Sa mga kumakandidato, bigyang puwang naman na hindi pa pormal ang lampanya para sa mga local. Na bawal pa ang mga planong plataporma. Na kunwari, hanggang pa-photo ops pa lang ang ugnayan sa mga botante. Isagad na rin ang katwiran na kagustuhan lamang ay umigting ang alab ng pagmamahal. Na akala mo ay Pebrero pa, ang buwan ng pagmamahalan.
Ang mariing payo nga ng mga nakatatanda: Sa mga mag-asawang ilang mga taon ding pinagsamahan ang siphayo at salimuot ng pagiging
nag-iisang puso, hayaan din na mailatag ang mga gawaing magbibigay ng panibagong kulay sa pagsasama, lalo’t kakailan lamang. At maging sa mga magkasintahan pa lamang, huwag namang hayaan na ang mga simpleng hindi pagkakaunawaan ay magsisilbing mitsa ng tuluyang paglandas sa kakaibang direksyon. Sa kanilang lahat, hayaang alab, hindi init, ang mangibabaw. Ang manaig. Huwag supilin ng hindi maunsyami. Nasa mga magsing-irog ang pagdiriwang ng lubos sa panahong ibang init ang dinaranas.
Ngayong buwan ng Marso, hayaang uminit pa, ngunit bigyang daan ang silakbo ng alab, at hayaang dampian ng katas ng pagmamahal ang anumang hiblang marupok nsa pagsisimula man. Anuman ang pagsasaluhan – kumbaga ay tampisawan lamang -– hindi nararapat na tumbasan ito ng halaga, lalo na at sinusukat ng pera. Para sa mga hinahandugan, sapat na ang ala-alang sinisimbolo nito, ang makapagpahiwatig na lampas-langit ang rurok ng pagmamahal. Balikan natin ang kasalukuyan, taong 2025. Bigyang pansin ang mga kandidato at kandidatang halos alam naman natin ay buong taon ng pumailanlang ang mga ngalang ngayon ay tila nakabibinging pakinggan. Sabi ng mga Punong Abala okey lang daw. Na kapag ang halalan ay ilang lingo lamang,- — at sa isang lingo pa ang pormal na salpukan para sa mga local na nagnanasang makapaglingkod.
Ito na ang pagkakataon na higpitan pa ang mga patakaran Bigyan ng liksyon ang mga tahasang bumabalahura sa mga pauntunan. Ang pagiging bulag sa mga ganitong paglapastangan sa mga alituntunin ay garapalang wawaldasin ang pagkakataon na magsilbi. Ilang beses na ba sa kasaysayan ng pulitika ay laging nananaig ang mga pag-uugaling dapat ng iwaksi. Ang sabi nga, ang ating inihahalal ay nasa sa ating mga kamay – kailanman ay hindi sa mga nagnanasa na magsilbi. Tanging karapat-dapat lang ang isusulat sa balota. At kung mayroon man ayudang ipinamumudmud, tanggapin. Iyan ay galing hindi sa sariling bulsa ng mga kandidatong garapal.
Ipinamumukha lamang na mayroon silang pusong mapagbigay, pero buwis natin iyan na pinagpaguran. Pawis, luha at dugo ang katumbas ng pera na iyong tinatanggap. Walang utang na loob ang dapat mong pasalamatan. Kadalasan nga naman, ang mga pangakong napakatamis pakinggan ay lagi na lamang mga katagang niwalang halaga ng maihalal na. Hindi ba’t atin ng dinaanan ang mga karanasan ng siphayo at sigalot? Hindi ba’t ang mga katagang binitiwan ng buong katapatan ay naging bulang sumahimpapawid upang muli at muli ay hugutin sa kaulapaan? Kailan pa kaya tayo matututo? Kailan pa kaya mangingibabaw ang mithiing hindi na tayo matanso sa pagpili ng
kandidatong hindi iiwas sa mga pangakong binitawan. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. At higit sa lahat, Karakter.
Ating uulitin, hanggang sa manigas ang mga daliri sa pagbalangkas ng ating pagpapahayag: Ito ang mga katangiang dapat na bigyang mataas na pagpapahalaga sa panahon ng eleksyon. Ang batayan ng mga karapat-dapat ay wala sa ngalan na maaaring nakaukit sa pananaw. Ating uulitin upang madaling iukit sa ating kamalayan. Karanasan. Kakayahan. Katapatan. Karakter. Ang mga kumakatawan ba sa ating pagtangkilik ngayong eleksyon ay sumasalamin sa mga katangiang ito? Anong uri ng karanasan ang kanyang dinadala? Ano ang hugis ng kakayahan ang masasalamin sa kanila na ating makikilatis sa panahon ng pagpili? Ang basehan ang ating masasaliksik upang
makasiguro na sa kaibuturan ng ating pagkakakilanlan ay siya na nga ang karapat-dapat na kakatawan sa ating mga simpleng pangarap?
At ang huling basehan, Karakter, ang siyang magpapahiwatig kung ano ang direksyon na tatahakin at kakatawanin, upang mapatunayan
na nasa kaniya at Karanasan, Kakayahan, at Katapatan. Nasa kanya ba ang Karakter?
March 22, 2025
March 22, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025