TENSIYON NG MARCOSDUTERTE… SAN PATUNGO?

Kamakailan, laman ng Daplis ang isyu hinggil sa sinasabing lumalalang tensiyon sa pagitan nina dating Pangulong Duterte at Pangulong Bongbong Marcos. Anong nangyayari? Ewan ko sa kanya. At hindi lang basta lumala. Sumulpot na ang mga maaanghang na mga salita na di sukat akalaing magaganap. Sige, usyusuhin natin, pards:
Nagsimula ang iringan (ayon sa mga ulat) dahil daw sa pagkakaungkat ng mga kasong nakalatag sa ICC – International Criminal Court kontra sa nakaraang administrasyong Duterte. Bakit? Dahil daw sa isyu ng mga walang habas na mga pagpatay sa mga sangkot sa droga at mga inosenteng tao ng nadamay.

PERO mismong si Presidente Bongbong Jr. ang tumatanggi sa panghimasok ng ICC, di ba? Eh, bakit sa likud ng
kanyang pagmamalasakit, siya pa ngayon ang sinisikaran ng kampo ni Duterte? May mas malalim pa ba na isyu? May bahid-pulitika? TUMBOK MO, pards. Talagang may bahidpulitika? Balikan natin ang mga eksena bago ang eleksiyon noon kung saan tumakbo sa pagkapangulo si Pres. Bongbong Jr. Tumalak man noon si datingPangulong Duterte, hindi nakalusot ang mga patutsada dahil si Bongbong pa rin ang nagwagi at napakalaki ang suporta mula sa
sambayanan. Nanalo namang bise ang kanyang anak na si VP Sara.

Magkaibigang matalik pa nga sina Bongbong at Sara, di ba? Hanggang ngayon kahit may lamat na ang kanilang mga angkan dahil sa ginagawa ni Digong…sinasabi pa rin sa mga ulat na hindi raw natinag ang pagkakaibigan nina
Bongbong at Sara. Pero sabi ng mga nag-oobserba…baka dahil sa mga ginagawa ni Digong ay magkakalamat na
ang naturang “pagkakaibigan” ng dalawa. Nakamasid lang ang Daplis. Hanga tayo sa tatag at templa ng reaksiyon ni
Pangulong Bongbong Jr. sa mga nangyayari sa kanyang paligid ngayon. Sa halip na pumatol…naka-relax pa rin.
KAparang pagtitimpi sa kung ano-anong ginagawa ng China sa WPS, kahit kitang-kita na ng buong mundo na talagang mali ang ginagawa ng Tsina.

Bagamat, mabigat ang sabi noon ni Pres. Bongbong na hindi ibibigay ng Pilipinas ang kahit katiting na teritoryo nito
sa mga gustong umagaw, TIMPI pa rin. Nariyan din ang paniniyak ng Estados Unidos na di tayo pababayaan sakaling sasalingin ang ating kasarinlan. Hindi rin lingid sa lahat na may mga military exercises na tayo na nilahukan ng Estados Unidos, Japan, Australia at pati na yata France ay sumusuporta na. Ayon sa mga analysts…talagang maraming bansa ang susuporta sa ipinaglalaban ng Pilipinas dahil kung maghahari-harian ang Tsina sa WPS, apektado rin ang pagdaan dito ng kalakalan ng ibang bansa sa mundo.

Balikan natin ang Duterte Vs. Marcos issue. Kamakailan, sa pamamagitan ng mga alipures ni Duterte (Rep. Pantaleon Alvares) dumaplis sila sa AFP at PNP na iurong na nila ang kanilang suporta kay Pres. Bongbong. Ayon sa ilang mambabatas, ito ay isang kaso ng sidesyon o rebelyon. Buti na lamang at nagsalita na rin ang AFP at PNP na buo ang kanilang suporta sa ang ating konstitusyon. Ibig sabihin, mali ang patutsada ni Rep. Alvares. Humingi naman daw (pero napuwersa) siya ng paumanhin sa kanyang paninindigan laban kay Pres. Bongbong.

Totoo na yata, sabi nila na talagang may bahid pulitika na. Kasi nga naman, kung masisira ang pangalan ni Pres. Bongbong (daw) at mapapalis siya sa puwesto (gaya ng nangyari sa kanyang ama noon) …tiyak na ang papalit sa kanya ang si VP Sara. Balik-palasyo siyempre ang mga Duterte. Kaya nanggagalaiti si dating Pangulong Duterte kontra Charter Change dahil nangangamba siya na baka raw hahaba pa ang panunungkulan ni Pres. Bongbong bilang pangulo ng bansa. May kumento pa na parang “astang presidente” pa rin daw ngayon si dating Pangulong Duterte. Magmasid at makialam. Adios mi amor, ciao, mabalos!

Amianan Balita Ngayon