“Terorismo sa Ilocos Norte?”

Opinion

Laoag City ang kabisera na Ilocos Norte. Laoag, sa Iluko ay liwanag. Ngunit karimlan ang nagbabadya sa hinaharap ng syudad, na maaring lumaganap pa sa iba pang bayan sa probinsya.

Ang girian ng mga naglalakihang pamilyang pulitikal sa probinsya ay tumingkad nang magsalpukan sa gitna ng kampanya ngayong linggo ang pamilya Fariñas na pinamumunaan ni dating Cong. at Governor Rodolfo nang “makasagupa” ng kapatid nyang ex Laoag City Mayor Roger na nagbabalik bilang alkalde ng kabisera, ang anak nitong incumbent City Councilor at re-electionist RJ kontra sa grupo ni incumbent Vice Mayor Toto Lazo, kapatid nitong retiradong pulis Major Gen. Moro at iba pang civilian bodyguards matapos umanong “pasukin” ni Roger ang isang bahay ng kaanib nilang kandidato.

Napadaan lang daw at nag usisa si Roger dahil napakaraming taong nagkulumpulan sa loob na tila mayroong vote buying.

Pinapasok naman daw ito. Ngunit ayon naman sa kabilang kampo, sadyang trespassing si Roger at nanakit pa nang papalabas na ito kung saan ang maybahay ng kandidatong may ari ng bahay ay nasaktan diumano.

Nagpang-abot ang grupo ni Roger at Toto na humantong sa murahan at naglabas pa ayon sa kakuhang video ng baril si retired Major General Moro.

Akusasyon kontra akusasyon ng magkabilang grupo na bawat kampo ay may pagmamalabis. Magpipilahan ng maraming kaso kontra kaso. Bago pa man niyan, mayroon pang mga raid ng pulis na inilunsad kontra sa mga supporter at campaigner ng mga Fariñas sa kabisera at iba pang bayan bukod sa paghaharang sa mga rally nila at overacting na police presence as palibot ng bahay ni Rodolfo sa Laoag na tinagurian niyang “harassment” sa kanila.

Ang resulta na awayang pulitikal na ito—- naiipit sa gitna ang pulis at nabibiktima ng pagsisikil ang karaniwang mamamayan. Babala ni Rodolfo, hindi magandang pangitain ang mga harassment na ito sa sitwasyon ng karapatang pantao sa lalawigan.

Noong 80’s, ang mga pagmamalabis ng mga otoridad ang nagtulak ng napakaraming mamamayan ng Ilocos Norte upang sumapi sa New Peoples Army. Ang dulo nito? Hindi ba nagpapakita lamang ang mga pangyayari sa Laoag sa tunay na karakter ng electoral politics sa buong bansa na habang nagbabangayan political economic elite sa agawan ng posisyong pulitikal, kawawa ang mga naiipit sa gitna lalo na ang mga mamamayan.