TIGIL PASADA….TIGIL NA!

Talaga bang tigil na ang TIGIL-PASADA? Totoo yan, pards. Akala kasi ng marami ay isang lingo yan. Sabagay, mas okey sabi ng nakararaming apektado. Kasi, hindi lang mga commuters ang
apektado. Mismong mga operatorS-drivers may tama rin. Saan nga naman sila kukuha ng ipapakain sa kanilang mga pamilya kung di sila papasada? Buti naman at nakapag-isip sila. Sabagay, nangalampag lang sila upang ipabatid sa gobyerno ang kanilang situasyon hinggil sa
modernisasyon. So, BALIK-PASADA ulit mga ka-daplis!

Talagang di tayo tinatantanan ng mga problema. Kamakailan, may lindol sa Cagayan de Oro. May oil spill sa Mindoro na nagpasara sa maraming lugal-pang turista. Nariyan pa ang tensiyon sa West Phil. Sea kung saan nagbibingibingihan daw ang China sa mga mensaheng padala ng ating Coast Guard. Buti na lamang at tapos na rin ang mga problema natin sa sibuyas, bawang at asukal. Tanong ng mga masisipag: bakit kasi di tayo magpunla ng onion leaks at lasona maski sa
mga paso sa ating bakuran?

Kaya natin ito. Marami lang ang tamad. Baka ayaw marumihan ang mga kamay at marami silang perang pambili. No comment kami riyan. Basta sa ganang amin….mas maunlad ang taong masipag.
Buti naman at tigil na ang TIGIL-PASADA ng mga PUJs. Maraming apektado lalo sa mga
nagtratrabaho, estudyante at negosyante. Pero maraming mga lugal sa bansa ang hindi nakiisa
sa ikinasang tigil-pasada. Gaya na lamang sa Cordillera. Papano dadalhin ang mga aning gulay sa destinasyon kung walang sasakyang magagamit.

Alam naman natin na dito sa ating rehiyon, di kayang marating ng mga modernong sasakyan ang
mga liblib na pataniman. Mga tradisyunal na jeep lang ang may kaya. Kahit matatarik at uka-ukang kalsada, kayang kaya. Sabi ng marami: hindi tayo tutol sa modernisasyon pero kung pwede namang pagandahin ang mga tradisyunal na sasakyan, iwas gastos tayo sa mahal na gustong ipalit. Tanong: wala kayang kutsabahan sa kita doon sa mga gumagawa ng mga modernong sasakyan? S iguro, magandang halukayin ito.

Tiyak na walang sasagot sakaling magtatanong tayo. Ang dapat dito ay malalimang operandi upang
matumbok ang totoo. Hindi na bago sa pandinig ang isyu ng “lagayan” kapalit ng serbisyo. Praktikal lang, sabi ng ilan na hindi daw lalakad ang sasakyan kung walang gasolina. Ganon din daw ang mga dokumento. Kung wala daw padulas, matutulog ito. Siguro, ito ang dapat kaliskisan ng gobyerno. Alamin ang mga ahensiyang talamak pa rin ang ganitong kalakaran at parusahan ang mga kumag na kalawang ng pamahalaan. Upak naman ng ilan: hindi maaalis ang “lagayan” kasi may mga naglalagay at may mga tumatanggap ng lagay.

Sa panig ng mga naglalagay…sila ang mga taong tamad sumunod sa tamang proseso. Ang gusto,
madali ang usad kaya lagay na lang ang kapit. In short…tayo rin ang nagpapalala sa problema
ng kurapsiyon. Tayo ang dumadaplis kontra sa mga korap na nasa gobyerno, pero tayo rin ang kakutsaba nila, di ba? Balik tayo sa isyu ng tigil pasada. Laking pasasalamat ng mga apektadong lugal at balik pasada na ang mga tradisyunal na jeep. Pero papano raw ang sinasabi ng LTFRB na hanggang Dec. 3l, 2023 na lang ang mga ito? Hindi kaya i-aatras na naman ito pag malapit na ang
naturang deadline? Ilang beses ng atras-abante ang nangyayari.

Siguro, tama lang ang sinabi ng ating Pangulong Bongbong Marcos Jr. na araling maigi ang isyu ng modernisasyon. Sa basa ng Daplis…suriing maigi kung oobra ba talaga na walisin na sa kalsada (phaseout) ang mga tradisyunal na jeepneys? Maala-ala nating ipinagmalaki ng Pilipinas sa buong mundo, may idinisplay pa sa New York noon, na mayron tayong ganitong sasakayan. Pilipinas lang ang may ganitong pampasaherong sasakayan, di ba? Hindi maqkatarungang alisin ang jeep natin dahil tunay na tatak-Pinoy at ang kakayanang serbisyo ay hindi matatawaran. Say niyo mga Ka-daplis? Adios mi amor, ciao mabalos.

Amianan Balita Ngayon