Kamakailan nagsimula ulit ang Oplan Tokhang. Di nga malaman kung Tokhang 2 o kaya’y Tokhang Reloaded ang dapat itawag. Pero gaya ng iniwang takot at mga batikos ng Oplan Tokhang Double Barrel o Tokhang 1, nandiyan pa rin ang takot at pangamba ng taumbayan lalo na sa mga dawit sa illegal na droga. Sandamukal na mga katanungan ang sumulpot sa unang araw pa lamang na napabalitang babalik ang Tokhang. Baka raw patong-patong na naman ang ihahambalang na mga bangkay kung saan-saan. Baka raw kahit hindi dawit sa droga basta may nagreport o nagnguso, tepok agad. Atin ngang uriratin ire, pards, para mapawi ang pangamba ng sambayanan.
******
Hindi raw madugo ang Oplan Tokhang na bago, ayon kay PNP Chief Bato dela Rosa. Pero hindi isang-daang porsiyento na walang dugo. Anong ibig sabihin? Iisa lang ang katuturan niyan, pards. Walang dugo kung walang lalaban. Sabi nga ni Bato – alangan naman daw na hahayaan na lang nilang mamatay nang walang laban ang mga otoridad na magpapatupad ng oplan. Alangan daw na di nila ipagtatanggol ang kanilang sarili kung sila’y susugurin at tangkang papatayin ng mga subject ng tokhang. Tsk tsk, yan talaga ang praktikal na analysis pards. Papatayin ka na, di ka pa kikilos? Kung ang otoridad ay tatakbo sa kalaban, di ba daw siya duwag? Pero malaki raw ang pagkakaiba ng bagong Tokhang sa ngayon kumpara sa dati. Papaano?
******
Mula Lunes hanggang Biyernes lang ang operasyon ng Tokhang 2 at sa pagitan lamang ng 8AM at hanggang 5PM. Kakatok muna ang mga Tokhangers sa puntiryang bahay. Magtatanong kung andun ang sadyang tao. Kung andun, aamukihin nilang magsadya sa himpilan ng pulisya at makunan ng paliwanag. Kung ayaw sumama, walang magagawa ang mga otoridad. Kaiba nga. Ibig sabihin, hindi sila mag-aaresto kung mga itotokhang ay mga USER o mga gumagamit ng droga. Imbitasyon lamang ang tapik ng Tokhang. Kung aayon ang user, siya’y tutulungang magpa-rehab at magbagong-buhay. O, di ba, kaiba? Pero may mga tanong: papaano kung lagpas na ng 5PM, tigil na ba ang mga Tokhanger sa pagkatok-katok? Kung sakali namang nataong Sabado at Linggo at naispatan ng mga otoridad na nasa bahay nila ang suspect na user, ipagpapa-Lunes na lang nila ang Tokhang? Di kaya delikado ang estilo, sabi nila. Kasi, paglagpas ng alas singko ng hapon, puwede na namang humithit ang mga durugista lalo na kung Sabado at Linggo na walang tokhang. Papaano raw kung pagbukas ng pinto sa kinatok na bahay ay lumaban agad ang suspect lalo kung may baril? Natural, ibang usapan yan, di ba?
*******
Niliwanag ng PNP na iba ang Tokhang sa Buy-bust operations kontra droga. Sa Tokhang, walang aresto kundi imbitasyon lang. Sa Buy-Bust Operations, may dala na ang mga otoridad na warrant of arrest sa kanilang target na mga drug pusher o drug lords. At kung mayroon mang resistance o manlalaban, natural na magiging madugo na ang operasyon. Papaano raw ang mga napatunayang pinatay na hindi naman nanlaban? Ibang usapan yan, sabi ng kapulisan. May mga pulis na ang nasibak dahil diyan. Marami ang tanggal sa serbisyo (mahigit sa tatlong daan mula nang nagsimula ang Tokhang), at tiyak di na sila makakabalik sa serbisyo at may mga kaso pa silang mabigat. Sabagay, maaalis lamang ang takot o pangamba ng taumbayan sa Tokhang operations kung maging totoo ang sinasabi ng PNP. Bayan, tayo ang humatol sa mga sumusunod na panahon sa operasyong ito. Di na pwede ang pagmamalabis. Adios mi amor, ciao, mabalos!
February 5, 2018
February 5, 2018
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 13, 2025
April 13, 2025