LUNGSOD NG BAGUIO – Inutusan ni Mayor Benjamin Magalong ang lahat ng Punong Barangay ng 128 na barangay at may-ari ng lahat ng accommodation establishment sa lungsod na magsumite ng updated data sa tourist arrivals para sa lungsod upang magkaroon ng tama at accurate na information.
Sa Memorandum No. 211-19 na may petsang Hulyo 10 ay hiniling ng mayor sa mga pinuno ng barangay na isumite sa Office for Administration – Tourism and Special Events Division ang isang updated na imbentaryo ng primary tourism enterprise gaya ng hotel, resort, apartelle, pension house, inn, transient house at iba pa sa lugar na kanilang nasasakupan sa kasalukuyan o bago mag-Agosto 1, 2019.
Kailangang siguruhin din nila na ang lahat ng accommodation establishment na ito ay laging nagsusumite ng kanilang report sa mga tourist arrival ayon sa section 3 Rule 4 ng Implementing Rules and Regulations ng Ordinance No. 120 series of 2017.
Sa isang hiwalay na sulat ay hiniling din ni Mayor Magalong sa mga manager at proprietor ng mga hotel, resort, apartelle, pension house, inn at transient house na tumugon sa requirement at magsumite ng mga report.
Sinabi niya na inuutusan sila ng city ordinance na palagiang magsumite ng standard data ng mga tourist arrival bilang bahagi ng kanilang hakbang upang mapalakas ang paglikom ng datos sa pagdagsa at paggalaw ng turismo.
Ito ay pagsunod sa Republic Act No. 9593 o ang Tourism Act of 2009 na binibigyang-diin ang Local Tourism Development Planning at inuutusan ang mga local government unit na magbigay ng regular na ulat sa estado ng tourism statistics at inventory of resources sa Department of Tourism “to ascertain the economic and social impact of tourism.”
Isa pa ay naglabas ang Department of Interior and Local Government ng Memorandum Circular No. 2019-17 na humihingi sa lahat ng Primary Tourism Enterprise (PTE) na kumuha ng accreditation mula sa Department of Tourism.
APR-PIO/PMCJr.-ABN
July 21, 2019
July 21, 2019
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025