Trade fair, kumita ng P2-M para sa drug surrenderers

Inihayag ni Councilor Leandro B. Yangot Jr., chairman ng City Council Committee on Market, Trade, Commerce and Agriculture, na ang isang buwan na trade fair sa bahagi ng Juan Luna Drive sa Burnham Park ay kumita ng P2 milyon na gagamitin ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) na pangtustos sa iba’t ibang programa at interventions para sa daan-daang katao na may substance use disorders (PSUDs) na sumasailalim sa rehabilitasyon sa mga concerned department ng lokal na pamahalaan.
Ayon kay Yangot, ang proponent ng trade fair ay ang CSWDO unang-una dahil sa pagnanais ng opisinang makalikha ng karagdagang mapagkukunan na gagamitin sa iba’t ibang programa at interventions na isinasagawa para sa lumalaking bilang ng PSUDs na naghahanap ng kanlungan sa nasabing opisina.
Sinabi pa niya na ang pagsasagawa ng isang-buwan na trade fair sa bahagi ng Burnham Park ay isa sa pinakamadaling paraan ng paglika ng kinakailangang pagkukunan para sa PSUDs sa halip na maghintay ng probisyon para sa suportang pondo na manggaling sa lokal na pamahalaan na siguradong tatagal kahit na ang pondo para sa opisina ay naka-allocate na sa katulad na layunin buong taon.
Nauna rito, inaprubahan ng local legislative body  ang resolusyong nagbibigay pahintulot sa pagsasagawa ng isang buwan na trade fair sa kahabaan ng Juan Luna Drive upang makapag-generate ng halos P2 milyon para sa mga programa at proyektong ipinila ng CSWDO para sa mga PSUDs.
“We want to extend our utmost assistance to the concerned department catering to the rehabilitation needs of our persons with substance use disorders that is why the fastest way to generate the available resources to allow them to undergo the needed rehabilitation that will give them a chance to be reformed individuals and be brought back to the mainstream society in the coming months,” diin ni Yangot.
Sinabi rin niya na ang nangyari noong nakaraang taon kung saan ang buong halaga na P2 milyon ay hindi nai-deposit ng trade fair operator sa CSWDO ay hindi mauulit dahil isa sa mga kondisyon na ipinataw ng local legislative body para sa kasalukuyang trade fair operators ay nag-advance ng P2 milyong lease rental at ideposit ang parehong halaga sa account ng CSWDO bago mag-umpisa ang aktibidad.
Sa karagdagan, sinabi ni Yangot na ang proceeds ng trade fair ay ibibigay sa dialysis patients na kasalukuyang sumasailalim sa paggamot sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) na magiging kontribusyon ng mga lokal na opisyal.
Inihayag din ng konsehal na bago pirmahan ni Mayor Mauricio Domogan ang resolusyong nagbibigay ng pahintulot na magsagawa ng isang-buwan na trade fair, kinunsulta ng mga lokal na opisyal ang mga apektadong nagtitinda sa Burnham Park at sa city market kung saan binigyang-diin ang layunin ng aktibidad, partikular ang pag-generate ng sapat na pagkukunan na maaaring gamitin para sa mga programa at proyektong nakapila para sa rehabilitasyon ng PSUDs para sila’y makabalik sa mainstream society at mamuhay nang normal kasama ang kanilang mga pamilya. BAGUIO PIO / ABN

Amianan Balita Ngayon