SAN QUINTIN, ABRA – Buhay pa rin ang tradisyon ng katutubong sombrero na gawa sa upo ng Abra na mas kilalang “Tabungaw Kattokong”.
Ang tabungaw kattokong ay sumbrerong ginagamit sa lahat ng panahon at tumatagal ng maraming taon kung maalagaan ng wasto. Naging popular ito dahil kay Teofilo Garcia na isang awardee ng Hat Weaving noong 2012 ng Gawad sa Manlilikha ng Bayan (National Living Treasure).
Pinopondohan ng National Commission for Culture and Arts (NCAA) ang technology transfer project sa produksiyon ng tabungaw kattokong sa munisipiyong ito mula pa noong 2013.
Nagsisilbing trainer din si Garcia na ipinagmamalaking isang taga-San Quintin.
Ipinapatupad ang proyekto sa pakikipagtulungan ng San Quintin National High School (SQNHS) na pinamumunuan ni Dr. Herman Barcena.
Nagtuturo si Garcia sa mga estudyante ng SQNHS ng bawat detalye ng production process mula pagtatanim at pag-aalaga ng upo hanggang sa mamunga ng malinis, perpekto ang hugis pagkatapos ay aanihin at patutuyuin.
Ang likha ni Garcia bilang alagad ng sining ay dokumentado at ang kaniyang libro ay malapit ng ilalabas ayon kay District Supervisor Christopher C. Benigno ng San Quintin Department of Education. Pinopondohan ng NCAA ang nasabing libro ni Garcia. May ulat ang PIA-CAR
July 1, 2017