Traffic advisory para sa Undas, inilabas na

Metro BLISTT

Handa na ang lungsod sa pagdaraos ng Undas o All Saints’ Day at All Souls’ Day sa Nobyembre 1 at 2, kasama ang paglalabas ng traffic rerouting at security.

“With respect to the city’s observance this year of All Saints’ Day, everything has already been set,” ani Mayor Mauricio Domogan.

Sinabi ni Domogan na naglabas ng mga kopya ang Baguio City Police Office (BCPO) ng rerouting plan sa publiko at nagpaskil na ng mga signages sa mga sementeryo upang gabayan ang mga may sasakyan.

“No vehicles shall be allowed to enter there (the cemetery), except those used for emergency, fire, and police vehicles”, babala ng mayor.

Sinabi rin niya na walang alak ang papayagan sa loob ng sementeryo, gayundin ang mga nagbebenta ng mga bulaklak. Ang Harrison Road hanggang Ganza parking lot ay nakatalaga para sa mga tindero ng bulaklak at kandila.

Inaprubahan ni Domogan ang tatlong araw na paggamit ng bahagi sa likod ng Dimalanta malapit sa rice section ng public market para sa mga tindero ng bulaklak, upang may pagpipilian ang mga bibili sa halip na magtungo ng Harrison Road.

TRAFFIC ADVISORY

Base sa traffic advisory na inilabas ng opisina ng BCPO, mula 5am ng Nobyembre 1 hanggang gabi ng Nobyembre 2, ang pagpaparada ay ipinagbabawal sa loob ng sementeryo, Buhagan Road Junction, San Luis Junction, Queen of Apostles Road, at mula Station 1 hanggang junction ng San Carlos Heights.

Lahat ng mga pribadong sasakyan, maliban sa mga trucks at bus, ay maaaring dumaan sa Quirino Highway.

Ang mga taxicabs na may sakay na pasahero papunta Baguio Cemetery ay kinakailangang magbaba ng kanilang mga pasahero sa likod ng Station 1 at dadaan sa San Luis/San Roque Road bilang exit route.

Ang mga pampasaherong jeep patungong Quirino Highway pabalik ng central business district ay kinakailangang umikot pakanan sa Dominican Road.

Ang mga pasaherong magmumula sa central business district patungong Baguio Cemetery ay kinakailangang bumaba sa junction ng 1st Road ng San Carlos Heights.

Ang mga public utility jeepneys mula Asin Road patungong central business district ay dapat na dumaan sa San Roque Road.

Ang mga PUJs mula Ferguson Road patungong central business district ay dapat na dumaan sa Sepic Road patungong Buhagan Road papunta sa kanilang mga terminal.

Ang mga motoristang magmumula sa direksyon ng La Union ay maaaring dumaan sa Circumferential Road o Lamtang/Longlong Road patungong central business district o La Trinidad, Benguet.

Ang mga trucks at bus patungong Bauang La Union ay pinapayuhang dumaan ng Marcos Highway at lumabas sa Irisan-Circumferential Road mula 5am hanggang 12 midnight ng Nob. 1.

Sa mga pupunta ng lungsod, pinapayuhan silang dumaan ng Marcos Highway o Lamtang-Tam-awan Road bilang diversion routes.

“Only emergency vehicles, water delivery, ambulance, and police vehicles are allowed inside the Baguio Cemetery on a need basis,” saad sa advisory.

“I hope that we all heed the traffic advisory for a smooth and orderly observance of this time when we remember our dearly departed,” ani Domogan. M.DEL ROSARIO, PNA / ABN