Trapiko apektado sa bagong 200 taxi franchise

LUNGSOD NG BAGUIO – Ang kamakailang pagbubukas ng 200 taxi franchise slots para ma-applyan ng publiko ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Cordillera ay tinututulan sa lungsod dahil maaari itong magdulot ng mas matinding trapiko.
Inihayag ni Mayor Benjamin Magalong ang kaniyang pagtutol sa hakbang na ito ng LTFRB kung saan bubuksan ang nasa dalawang daan na slots para sa taxi units sa lungsod habang inaalala ang carrying capacity ng lungsod.
Sa isang dayalogo na ginawa noong Martes, Hulyo 16, 2019 sa Multi Purpose Hall ng lungsod ay ipinagbigay-alam ni LTFRB Cordillera officer-incharge Lalaine E. Sobremonte na tutol siya (Magalong) sa karagdagang 200 taxi franchise units na tatakbo sa mga lansangan ng lungsod.
Sa kabilang banda ay ipinaliwanag ni Sobremonte na binigyan ng konsiderasyon ang hinaing ng mga taxi operator na hindi nakakuha ng franchise dahil sa nationwide moratorium na ipinatupad ng ahensiya.
Mula 1996 ay ipinatupad ng Baguio ang isang moratorium sa pag-isyu ng mga bagong franchise para malimitahan ang bilang ng mga sasakyan sa lungsod dahil na rin sa limitadong luwang ng mga daan, subalit nasa 3,000 franchise pa rin ang inisyu.
Sa ngayon ay sinabi ni Sobremonte na may 3,429 franchise holder sa lungsod na may 185 na abandoned dahil sa pagkamatay ng mga may-ari nito. Ipinaliwanag niya na ang 200 slots na bubuksan ay hindi mga bagong franchise kundi pupunan lamang ang mga abandonadong slot.
Gayunpaman, ang available franchise slots ay hindi maaaring applayan ng indibiduwal dahil ito ay iniaalay sa mga transport cooperative na binuo bilang kooperatiba o korporasyon alinsunod sa Department of Transportation Department Order 2017-011 o ang Omnibus Franchising Guidelines kung saan ang ilalabas na mga franchise ay para sa isang fleet management scheme.
Isang maximum na 50 units ang bubuo ng isang fleet ng bagong franchise na ibibigay sa registered transport cooperative na may financial capability at mga sasakyang may Certificate of Public Convenience (CPC).
Umaangal si Polaris Transport Service Cooperative chairman Melanio “Jun” Panayo Jr. sa requirement ng LTFRB dahil masyado raw mataas ang financial capacity na hinihiling para makasunod ang mga operator sa kabila ng may nabuo nang kooperatiba o korporasyon.
“If we are to compute 50 franchise by Php800 thousand as minimum cost, a cooperative or corporation must show financial capacity of Php40 million before they qualify, and where do we get that amount?” tanong ni Panayo sa LTFRB.
Sinabi niya na mas mabuting ituon na lamag ng LTFRB ang paghuli sa mga colorum operators upang mabawasan ang pagsisikip ng trapiko at maginhawaan sa requirement para sa 200 taxi slots.
Samantala, hiniling ni Magalong sa ilang mga taxi operator at organisasyon na tutulong sa pamahalaang lungsod sa pagsugpo sa matinding sitwasyon ng trapiko sa pagsunod sa mga alituntunin ng trapiko at iulat nila ang mga illegal colorum operator.
 
JMPS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon