TULONG PINANSYAL, HANDOG SA MGA MAGSASAKA SA ILOCOS SUR

VIGAN, Ilocos Sur

Tumanggap ng tulong pinansyal ang mga magsasaka sa siyudad ng Vigan, Ilocos Sur na nagkakahalaga ng PhP5,000
mula sa Department of Agriculture (DA) nitong Enero 19.Ito ay sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial
Assistance (RFFA) program kung saan natulungan ang aabot sa 495 magsasaka dito na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA). Layon ng programang ito na matulungan ang mga magsasaka na mayroong dalawang ektarya pababa na mapataas ang kanilang produksyon sa gitna ng kinakaharap na El Niño.

May 101 magsasaka at mangingisda naman ang nakatanggap ng indemnity check na may kabuuang halagang PhP638,000. Samantala, limang hand tractor unit ang ibinigay din mula sa provincial government at iba’t ibang farm inputs mula sa pamahalaang lungsod na may kabuuang halaga na higit PhP700,000 sa mga 22 magsasaka ng tabako sa siyudad. Maliban sa mga ito, laking tuwa naman ng mga magsasaka sa ipinakita ng city agriculture office na bagong four-wheel tractor with front dozer at fourwheel tractor with loader ng pamahalaang lungsod na maaari
nilang hiramin at gamitin sa pagsasaka.

Isa sa mga nakatanggap ng tulong pinansyal si Felipe Albiller, Federated President ng Farmers Association sa
nasabing lungsod. “Maganda ang mga programa ng gobyerno na naglalayong tulungan ang mga magsasaka at lahat ng Pilipino. Laking pasasalamat namin dahil nakikita nila ang kahalagahan ng mga magsasaka. Sa DA, provincial at city government, maraming salamat dahil palagi kayong andiyan upang magbigay ng mga kailangan namin sa pagsasaka,” ani Albiller. Ito na ang pangatlong beses na siya’y nakatanggap ng malaking tulong sa pamamagitan ng
RFFA.

Dahil sa hagupit ng iba’t ibang bagyo nitong 2023, natabunan daw ang kaniyang lupa ng buhangin dulot ng pagragasa ng tubig mula sa Abra River na malapit sa kanilang barangay. Aniya, malaking tulong ang mga makinarya sa paglilinis at pagtanggal sa mga buhangin upang sila’y makapagsaka ulit.

(JMCQ-PIA Ilocos Sur/PMCJr.- ABN)

Amianan Balita Ngayon