TURISMO SINUSPINDE SA BANAUE

BANAUE, IFUGAO – Pansamantalang sinuspinde ng Department of Tourism-Cordillera ang anumang aktibidad sa turismo at pansamantalang pagbabawal sa mga turista na magtungo sa Banaue sa lalawigan ng Ifugao, habang patuloy pa rin ang clearing operations sa aftermath ng malawakang flashfloods na naganap noong Huwebes ng hapon, Hulyo 7.
Sinabi ni Jovita Ganongan, regional director ng DoTCordillera, sa kanyang travel advisory noong Hulyo 8, sa kasalukuyan ay hindi ligtas para sa mga motoristang turista na pumunta sa Banaue kung saan maraming bahay at homestay ang napinsala at mga kalsadang nasara dahil sa landslides.
Pinayuhan nito ang mga turista na ipagpaliban muna ang pagpunta sa Banaue habang masama pa ang panahon o patuloy ang pag uulan.
Ang Banaue ay kilalang foreign at local touristdestination dahil sa magagandang rice terraces at malamig na klima.
Noong Huwebes ng hapon sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa rehiyon ng Cordillera dulot ng
“Habagat”, nagulantang ang mga residente ng Banaue sa biglang pag-agos ng tubig na may halong putik na umagos sa pangunahing kalsada sa bayan.
Nabatid na nagsagawa ng inspeksyon si Gov. Jerry Dalipog at mga tauhan ng Provincial Disaster Risk and Reduction Management Council, Department of Public Works and Highway-Ifugao sa mga lugar para alamin ang mga napinsala ng malawakang flashfloods.
Nagsasagawa na rin ng clearing operations ang mga tauhan ng Ifugao Provincial Police Office, residente at volunteer sa mga putik na naiwan sa mga kalsada at sa mga lugar kung saan nangyari ang landslide.
Sa inisyal na ulat ng DSWD-CAR, anim sa 18 barangay ng Banaue ang naapektuhan kabilang ang Amganad, Poblacion, Tam-an, Viewpoint, Bocos, at Poitan.
May tatlong naiulat na nasugatan at ligtas na ang mga ito, habang 19 na pamilya ang inilikas sa evacuation center na matatagpuan sa Banaue Gym, habang binibigyan ng pagkain at tubig ang 152 katao na na-stranded sa flashfloods sa Barangay Tam-an at Amganad.
Wala pang naiulat na nasawi sa trahedya, samantalang nasa 300 na
bahay ang bahagyang napinsala at dalawa ang totally damaged.
Pinayuhan na ng Banaue MDRRMC ang mga naninirahan sa land slides prone areas na lumikas muna sa evacuation center upang masiguro ang kaligtasan habang oatuloy ang masamang panahon.
Magsasagawa din ng pagaaral ang mga geogolist ng Mines and Geosciences Bureau-Cordillera para alamin ang sanhi ng insidente.
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon