UB RACERS NAGLUNSAD NG PAGTULONG SA KOMUNIDAD

BAGUIO CITY

Mahigit 300 katao ang nakiisa sa kauna-unahang University of Baguio Reaches Achievements through Creative Enrichments and Rekindled Spirits (UB RACERS) fun run na isinagawa sa Lake Drive, Burnham Park noong Abril 13. Katulad ng UB BIKERS na ginanap noong Abril 12, layunin din ng UB RACERS na makalikom ng pondo para sa mga sinusuportahang komunidad ng unibersidad, kabilang dito ang Lindawan National High School, Lindawan Elementary School, Barangay Pinsao Proper, at ang Visually Impaired Positive and Productive Dreamers (VIPPD).

“In-add namin siya kasi kailangan nating mag-raise ng fund for our adopted school and adopted barangays and adopted community.“, paliwanag ni Donnavila Marie B. Panday, direktor ng RIECO, ang organizer ng fun run. Dinaluhan ang fun run hindi lamang ng mga estudyante kundi pati na rin ng mga senior citizens at mga bata. Ang pinakabatang kalahok ay limang taong gulang na tumakbo sa 3km category. Kabilang din sa mga dumalo ay si Castro Cudli, isang runner at athlete coach ng Cordillera Career Development College (CCDC) at nagwagi ng 1st place sa 10k category. Hindi niya inaasahang makakamit niya ito dahil nakilahok lang siya, kasama ang mga CCDC athlete dahil sa natanggap nilang sponsorship. “Ini-sponsor lang po kasi yung school namin sa CCDC, kaya sumali kami ng mga athlete ko.” Pahayag ni Cudli.

May tatlong kategorya ang mga sinalihan ng mga dumalo: ang 3K na may rutang mula Lake Drive patungong Military Cut-Off at pabalik; ang 5K na dumaan sa Military Cut-Off at Panagbenga Park bago bumalik sa Lake Drive; at ang 10K na may mas mahabang ruta mula Lake Drive, patungong Military Cut-Off, Panagbenga Park, South Drive, at paliko pabalik mula sa Pacdal Circle. Sa tagumpay ng kauna-unahang UB RACERS fun run, umaasa ang University of Baguio na mas ma-improve pa ang susunod na UB RACERS sa mga darating na taon upang magbibigay daan pa sa pagtulong at pagbabalik sa komunidad. “This is our first activity for this fun run, yung fundraisers and we hope na ma-improve pa namin siya next year. Kasi triny din namin and gladly may 300 plus naman na participants.”, dagdag ni Dir. Donnavila Marie B. Panday.

Hull/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon