Unang batch ng CCTV’s, ikinalat sa Bauang

BAUANG, LA UNION – Posibleng madagdagan pa ng 100 cameras (CCTV) ang ipapakalat sa buong bayan ng Bauang sa mga susunod na buwan ngayong taon.

Ito ang sinabi ni Bauang Mayor Eulogio Clarence Martin P. De Guzman III sa panayam ng Amianan Balita Ngayon.

May aktibong 32 CCTVs ang nakakabit ngayon sa ilang bahagi ng Bauang na tinututukan 24/7 ng CCTV Control Center sa munisipyo ng Bauang.

Inuna ang pagkabit nito sa loob ng compound ng munisipyo, hallway, legislative compound, Acacia Arcade at lugar ng Mc Arthur Highway corner Burgos, Commercial Center at ilang barangay na umabot sa Dili, Quinavite at ilan pang barangay kung saan madalas na may kaguluhan at insidente.

“Isang kaparaanan ito para masubaybayan ang mga pagkilos ng mga mapagsamantala at maagapang mailigtas ang mga residente at mga turista sa kamay ng mga masasamang loob,” ani de Guzman.

“Pinaghahandaan na rin naming ikabit ang 100 CCTVs sa mga beach resort upang ma-monitor ngayong panahon ng bagyo ang maaaring pagtaas ng tubig sa pampang o magkaroon ng tsunami ay agad natin maagapan ito. Ipapakalat natin ito sa Baccuit Norte at Baccuit Sur hanggang Pagdalagan,” aniya.

Bagaman wala pang radio ang CCTV Control ay konektado na ang monitor nito sa Municipal Police ng Bauang upang kung anumang aksidente o kaguluhan ang nakikita sa control center ay agad itong itatawag lang sa kapulisan.

Tanging ang munisipyo ng Bauang pa lamang ang nauna na nakapag-install ng ganito karaming CCTV na ipapakalat sa buong bayan ng Bauang.

Hangad ni De Guzman na maitulad sila sa set-up ng San Fernando City para sa pagtutok nito sa mga insidente sa highway at kasama na rin ito na mapanatiling masubaybayan ang mga gawaing katiwalian tulad ng pagsasagawa ng bentahan ng bawal na droga at ibang masasamang gawain. ABN

Amianan Balita Ngayon