LUNGSOD NG DAGUPAN – Ang 23 taong gulang na lalaking overseas Filipino worker (OFW) na siyang unang nakumpirmang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) Delta variant sa Pangasinan, kasama ang mga miyembro ng kaniyang pamilya ay nag-negatibo sa virus, ayon sa Provincial Health Office (PHO).
Sinabi ni Dr. Anna Ma. Teresa de Guzman, chief provincial health officer ng Pangasinan, na ang magdaragat ay muling sumailalim sa realtime reverse transcription polymerase chain reaction (rRTPCR) test kasama ang kaniyang pamilya at nag-negatibo ang resulta noong Martes (Agosto 10).
Sinabi niya na dumating ang pasyente sa bansa noong Hulyo 13 at umuwi sa bayan ng Natividad noong Agosto 3 matapos makumpleto ang kaniyang mandatory quarantine sa Manila.
“After completing his 14- day quarantine, he was considered to have recovered before he arrived in the province,” ani De Guzman sa Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP)-Pangasinan Chapter virtual forum noong Miyerkoles.
Sinabi ni De Guzman na matapos matanggap ang advisory mula sa Department of Health (DOH) tungkol sa unang kaso ng Delta variant ay agad na-isolate ang pasyente at kaniyang pamilya at nasa ilalim pa rin sila ng 14-araw na mandatory quarantine habang inoobserbahan ng mga awtoridad sa kalusugan.
Sinabi niya na sa 14 na iba pang OFW na nakasama ng pasyente sa kaniyang biyahe pabalik sa probinsiya ay 11 ang nakilala na ng kani-kanilang local government units at sumailalim ng kanilang repeat RT-PCR test.
Gayundin, binalaan ni De Guzman ang publiko na ang Delta variant o N.1.617 ay mas lubhang nakakahawa at mas nakamamatay, agad nagdudulot ng kahirapan sa paghinga, bukod pa sa ibang sintomas base sa mga pag-aaral.
Sinabi niya na ang Delta variant na tinukoy ng World Health Organization (WHO) bilang isang variant of concern, ay unang natuklasan sa India noong Disyembre 2020.
Pinaalalahanan niya ang publiko na ipagpatuloy na ugaliin ang minimum health protocols gaya ng wastong pagsusuot ng mask at faceshield, physical distancing, palagiang paghuhugas, at iwsan ang masisikip at kulang sa bentilasyon na mga espasyo.
(EMSA-PIA Pang/PMCJr.-ABN)
August 15, 2021
August 15, 2021