BAGUIO CITY
Sa unang pagkakataon, naitala ang isang makasaysayang kasalan na naganap sa loob ng kulungan, matapos pakasalan ng isang babae ang kanyang nobyo na nakakulong sa Baguio City Jail Male-Dorm noong Enero 18. Ito ang unang kasal na naganap sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na ipinagkaloob sa isang Person Deprived of Liberty at sa kanyang nobya sa
labas na umaasang magkakasama sa hinaharap.
Ang kasalan ay kompleto ang seremonya na gaya sa labas na may ninong,ninang, ring bearer, candle sponsor,mga abay, maayos na venue at may reception. Pinangasiwaan ni BJMP Regional Chaplain Jan Vincent Damian ang kasal nina Butch,40 at Marlyn,41 sa wedding ceremony na ginanap sa loob ng BCJ-Male Dorm. “Kakaiba ito, first time ko rin to na mag-officiate ng kasal
sa PDL sa loob ng kulungan at ay maituturing na isang makasaysayang okasyon ng BJMP.
Pinatunayan lang ng dalawa ang pagmamahalan nila sa isa’t isa at hindi naging hadlang ang kulungan sa kanilang pangarap na humarap sa Diyos para sa kanilang pagiisang dibdib.I pray na hindi dito magtatapos ang relasyon nila, but they will be together in the future,” pahayag ni Damian. Ayon kay Fr. Damian, hindi bawal magpakasal ang isang PDL, pero walang nagtatanong o humihiling, dahil posible daw na pakasalan pa ng babae ang kanyang nakakulong na nobyo, dahil sa paniwalang wala ng future na maibibigay sa kanya.
“Posible this time, August 2023 pa lang talaga nag-umpisa na silang magplano at dumaan sa tamang proseso ang dalawa. Medyo na-delay pa nga, kinausap ko silang dalawa at sinigurado ko na matutuloy, baka kasi yung girl ay biglang umatras, pero desidido talaga sila at natutuwa ako na
suportado ng mga magulang at pamilya ang kasalang ito,” ani Damian. Ayon kay Butch, noong
nagtatrabaho siya sa Maynila, nakilala niya si Marlyn sa isang social media page na noon ay nagtatrabaho sa ibang bansa.
Nagkaroon sila ng relasyon hanggang sa umuwi si Marlyn at nagkasama sila at nagkaroon ng isang anak na babae. Gayunpaman, naputol ang kanilang relasyon nang arestuhin si Butch noong
Setyembre 2022, dahil kinasuhan siya ng kanyang dating partner. (hiniling na huwag banggitin ang kaso). Ayon kay Marlyn, ang kulungan ay hindi hadlang sa kanya para balewalain ang pagmamahal na ibinigay niya kay Butch, lalo na’t may anak na sila.
“Malaki ang pag-asa ko ba matatapos din ang kasong kinasasangkutan niya at magkakasama na kami bilang isang pamilya,” ani Marlyn. Tuwang-tuwa si Jail Supt April Rose Ayangwa, na nagsponsor din ng reception, sa naganap ang unang kasal sa kanyang jail male-dorm. “Sa nangyaring ito, siguradong marami pang darating, kahit hindi dito, siguro sa ibang mga kulungan sa ating bansa.”
Zaldy Comanda/ABN
May 3, 2025
May 3, 2025
May 3, 2025