BAGUIO CITY
Sa gitna ng mabilis na urbanisasyon at pagtaas ng presyo ng bilihin, isinusulong ng lungsod ng Baguio ang makabagong konsepto ng Urban Agriculture bilang sagot sa isyu ng seguridad sa pagkain, kabuhayan, at kalikasan. Ayon kay Marcelina Tabelin, Supervising
Agriculturist ng City Veterinary and Agriculture Office (CVAO), ang urban agriculture ay tumutukoy sa pagsasaka sa loob ng siyudad.
Kabilang dito ang pagtatanim ng gulay, pag-aalaga ng hayop, at maging ang inland aquaculture o pangingisda sa mga komunidad.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng home gardening, community gardens sa mga barangay, at mga programang pang-agrikultura sa mga paaralan. Bagamat karamihan ay maliitang taniman, may ilang barangay na aktibong lumalahok sa komersyal na pagsasaka. Sa kasalukuyan, 16 na barangay sa Baguio City ang opisyal na kinikilalang agricultural barangays tulad ng Happy Hallow, Camp 7, at Irisan.
Isa sa pinakakilalang benepisyo ng urban agriculture ay ang pagliit ng heat island effect. Sa mga lugar gaya ng central business district, may mga tahanang gumagamit ng rooftop gardening isang anyo ng green roofing na nagsisilbing natural na insulator laban sa init.
Ang AZKCO Barangay na nasa loob din ng CBD ay aktibo sa urban gardening, gamit ang mga paso at balde na natataniman ng mga gulay, gaya ng talong, okra, sili at iba, na napapakinabangan ang mga tanim sa pagluluto sa barangay. Maliban sa epekto sa klima, may positibong dulot din ito sa kabuhayan. Ang mga tanim mula sa bakuran ay hindi lamang para sa konsumo kundi naibebenta rin ang labis na ani, na nakakadagdag sa kita ng pamilya. Nagsisilbi rin itong inspirasyon sa ibang mamamayan upang magsimulang magtanim, na may positibong epekto sa kalusugang mental at emosyonal.
Ang karaniwang itinatanim sa mga urban gardens ng Baguio ay pechay, sitaw, broccoli, pipino, letsugas, at carrots. Kalimitan ay mga madaling itanim at anihing gulay. Ginagamit din ang mga basurang nabubulok upang gawing compost, kaya’t nakatutulong din sa tamang pamamahala ng basura. Suportado ito ng pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng pamimigay ng libreng binhi, pataba, potting media, at mga kasangkapang pansaka gaya ng garden net at tools. Bagamat limitado ang suplay, prayoridad sa ayuda ang mga paaralan, barangay, at organisadong grupo. Nagsasagawa rin ang CVAO ng mga pagsasanay sa crop production, livestock, at kamakailan ay sa coffee at meat
processing.
Layunin ng mga programang ito ang pagtitiyak ng food security sa lungsod sa aspetong availability, accessibility, at affordability ng pagkain. Tinutulak din ng lungsod ang Kadiwa Marketing Program na nagbibigay ng abot-kayang produkto ng mga lokal na magsasaka, at nagdurugtong sa mamimili at magsasaka. Isa sa pinakamalaking tagumpay ng CVAO ay ang pagpasa ng mga patakarang nag-institutionalize ng urban agriculture sa Baguio. Nabuo rin ang Barangay Agriculture and Fishery Committees, at lumalawak ang pakikipagtulungan sa mga barangay at paaralan. Bahagi rin nito ang 4 H Program, katuwang ang DepEd, na nagtuturo ng agrikultura sa mga kabataan mula sa dalawang paaralan kada taon.
Millard Gregorio/UC-Intern
June 28, 2025
June 28, 2025
June 28, 2025