Van sa drug case, nawala sa parking area ng Baguio police

Ang van na dapat ay nasa kustodiya ng mga otoridad bilang ebidensiya sa isinasagawang drug case ay nawawala noong Abril 9, 2018.
Nadiskubre ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Baguio police bandang 10:30am ng parehong araw, na ang na-impound na 2002 model Toyota Hi Ace custom van na may plakang WNL779 na may motor vehicle file number 1368000000165275; engine number 0102095; chassis number R2H100005273, at nakarehistro kay Evangeline Colores Tan, ay nawawala sa parking space sa likod ng Baguio police main headquarters sa kahabaan ng Kayang St., Baguio City.
Nakatira si Tan sa Km 62 sa Aguinaldo Highway sa Tagaytay City, Cavite.
Ang naka-impound na sasakyan ay ebidensiya sa isinagawang drug sting noong Marso 18, 2018.
Ang sasakyan ay naiulat na nakaparada na flat ang apat na gulong, natanggal ang battery at ang susi ay hawak ng imbestigador ng drug case, na hindi pinangalanan.
Isang operasyon ang nabuo upang mahanap ang sasakyan at kung sinuman ang nasa likod nito. A. ALEGRE

Amianan Balita Ngayon