Walang Maute group sa Cordillera – militar

LUNGSOD NG BAGUIO – Nilinaw ng mga opisyal ng militar na walang presensya ng Maute group sa Cordillera Administrative Region (CAR) at Region 2.
Ayon kay Capt. Jefferson Somera ng 5th Infantry Division (5ID) Public Affairs Office, walang dapat ipag-alala ang publiko dahil walang presensya ng Maute group sa kanilang nasasakupan.
Dalawa ang aktibong infantry brigades sa ilalim ng 5ID na may operasyon sa CAR at Region 2.
Ani Somera, ang militar sa dalawang rehiyon ay nasa full alert upang maiwasan na magkaroon ng karahasan.
Hinimok ni Major General Paul Atal, 5ID commander, ang publiko na makipagtulungan sa mga tagapagpatupad ng batas sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga kahinahinalang tao o aktibidad.
Ang 5ID ay naglabas ng statement noong gabi ng Mayo 24 na kumukondena sa Maute group at karahasan ng mga ito sa Marawi City na naging dahilan upang umalis sa lugar ang maraming residente.
Kaugnay nito, iniutos ni Mayor Mauricio Domogan sa Baguio City Police Office (BCPO) na siguruhin ang kaligtasan at seguridad sa lungsod.
“Let us be prepared because we don’t know what will happen,” pahayag ng mayor sa kanyang Ugnayan noong Miyerkules.
Ito ay matapos na naghasik ng takot ang Maute group sa mga residente ng Marawi na nagbunsod sa pagdedeklara ni Presidente Rodrigo Roa Duterte ng martial law sa Mindanao.
Ani Domogan, nauna nang nakipag-ugnayan ang mga opisyal ng lungsod sa Muslim community dito at nangako ang mga ito ng kanilang tulong sa pagpapanatili ng kapayapaan, kaayusan at seguridad ng Baguio City.
Sinabi ng mayor na nangako rin ang mga itong ipagbibigay-alam agad sa kapulisan kung may mga bisitang galing sa Mindanao na hindi nila kakilala.
“Dapat lang na kayo ang unang tumulong sa amin at sa kapulisan. Find out baka may masama silang balak,” pagtukoy ng mayor sa mga Muslim sa lungsod.
Ngunit niliwanag ni Domogan na walang anumang pagtatangi kontra sa mga Muslim sa lungsod. “We treat everybody here as co-equal.”
Sa hiwalay na pahayag ay sinabi rin ng mayor na buo ang suporta nito sa pagdedeklara ng martial law sa Mindanao. “We have full trust that the President had been supplied with sufficient facts that can justify the declaration of Martial Law in the said area. We are not as much worried as to its basis for anyway under the constitution, he will report and explain to congress within a prescribed period the reasons why he declared Martial Law.”
Aniya, umaasa siya na sa pamamagitan nito ay mapapahinto ng AFP at PNP ang karahasan at paghihimagsik sa naturang lugar upang maisalba ang mga mamamayan sa posible pang pagkamatay at pagkasira ng kanilang ari-arian.
“We are mourning for one of the casualties in the said lawless violence and rebellion is no less than Police Senior Inspector Fredie Solar from Baguio City,” aniya.
“We will communicate with the family to find out their sentiment. We might do a hero’s welcome befitting of an officer from this city who gave his life to the country,” saad ni Domogan. Liza T. Agoot/ PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon