Waste to energy, slaughterhouse itatayo sa Pinsao

LUNGSOD NG BAGUIO – Tinitingnan ng pamahalaang lungsod ang isang 5-ektaryang pag-aari nito sa 8.5 ektaryang lupa sa Pinsao Proper na lugar para sapriority development projects ng lungsod na tutulong mapahusay ang kalagayan ng kapaligiran at problema sa solid waste disposal.
Nauna dito ay natukoy ng lungsod ang isang 8.5 ektaryang pag-aari sa Pinsao Proper para sa pangangailangan ng lungsod at inaayos na ng pamahalaang lungsod ang kaukulang dokumentasyon ng nasabing lupain.
Sinabi ni Mayor Benjamin Magalong na nakausap niya ang claimant ng lupa at sinabihan niya ito na gagamitin lamang ng lungsod ang 5 ektarya para sa priority development projects habang amg 3.5 ektarya ay mananatili sa claimant.
Ang itatayong priority development projects sa Pinsao ay ang bio-mass waste to energy plant, ang residual waste to energy plant at ang relokasyon ng slaughterhouse.
Base sa inisyal na projections mula sa mgakinauukulang opisina ng lokal na gobyerno, kailangan ng City Veterinary Office ng kahit 1 ektarya para sa relokasyon ng bahay-katayan mula sa slaughterhouse compound sa nasabing lugar at nasa 4 na ektarya para sa Japan-basd waste to energy plant at ang proposed residual waste to energy plant.
Isa sa 15-point agenda ng kasalukuyang administrasyon ay ang isang revitalized environment sa pamamagitan ng pagpapatupad ng strategic projects na nakagiya tungo sa epektibo at episiyenteng pagtugon sa mga problema sa solid waste management ng lungsod, pagpapahusay sa sewerage system at regreening ng lungsod.
Ipapatupad ang Japan-based waste to energy project ng lungsod sa isang government to government transaction sa tulong ng energy department at state-owned Philippine National Oil Company (PNOC).
Nauna nang tinukoy ng lungsod ang isang bahagi ng pag-aari sa Baguio Dairy Farm na isinuko ng Department of Agriculture sa lungsod para sa panukalang Japan-based waste to energy project sa ocular inspection na ginawa ay may ilang technical issues na lumutang na nag-udyok sa lungsod na tumingin ng iba pang posivleng lugar para sa nasabing mga proyekto.
Ang panukalang paglalagay ng bio-mass at residual waste to energy plants ay makakatulong sa lokal na gobyerno upang tugunan ang kasalukuyang problema sa solid waste management dahil sa patuloy pa rin ang paghakot ng residual waste palabas ng lungsod na kumakain ng malaking bahagi ng taunang badyet.
Sa ilalim ng mahahalagang probisyon ng Republic Act (RA) 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inuutusan ang mga local government units na isara ang operasyon ng kanilang open dumpsites at magtayo ng controlled dump facilities at engineered sanitary landfills upang masiguro preserbasyon ng estado ng kapaligiran at kalusugan ng mga tao na naninirahan sa kanilang hurisdiksiyon.
Subalit ilang local government units kasama ang Baguio ang hindi nakatugon sa nasabing mandato dahil sa kakulangan ng lupa na maaaring paglagyan ng panukalang mga pasilidad na puwedeng makatugon sa problema sa solid waste sa mga nasabing lugar.
 
DAS-PIO/PMCJr.-ABN

Amianan Balita Ngayon