ZENTANGLE, ISANG SINING NA NAGBIBIGAY BUHAY SA DIALYSIS PATIENT

BAGUIO CITY

Para sa karamihan, ang sining ay isang paraan ng pagpapahayag, ngunit para kay Charity Paltican Dannang, isa itong sandigan sa kanyang laban sa sakit. Si Charity ay isang visual artist na nadiskubre ang Zentangle, isang meditative drawing technique, habang nagtuturo sa Cambodia noong 2017. Ang simpleng pagguhit ng mga paulit-ulit na pattern at disenyo ay naging kanyang malikhaing libangan, ngunit hindi niya inakala na balang araw, ito rin ang magiging takbuhan niya sa oras ng matinding pagsubok. Noong 2022, nagbago ang kanyang mundo nang ma-diagnose siya na may stage 4 chronic kidney disease.

Kinailangan niyang bumalik sa Pilipinas upang magpagamot, bitbit ang hindi lamang pisikal na sakit kundi pati na rin ang mabigat na
gastusin sa kanyang gamutan. Habang lumalala ang kanyang kondisyon at umabot sa stage 5 ang kanyang sakit, hindi siya natinag, sa halip, mas lalo niyang niyakap ang Zentangle, hindi lang bilang pampalipas-oras kundi bilang sandata laban sa kanyang karamdaman.
Nagsimula siyang magturo ng workshops upang ibahagi sa iba ang kaginhawaang dulot ng sining. Sa pamamagitan nito, hindi lamang siya nakatulong sa iba kundi nagkaroon din ng paraan upang suportahan ang kanyang sarili.

Marami ang humanga sa kanyang determinasyon, lalo na ang kanyang pamilya at mga estudyante. Ayon sa kanyang pinsan na si Jo Ann Imado, “Patuloy siyang nananatiling positibo— spiritually, emotionally, at kahit physically.” Maging ang kanyang asawang si Denver Dannang ay hindi maitago ang paghanga sa kanyang katatagan. “Kahit sa pinakamahirap na bahagi ng kanyang sakit, masaya at pinagpala pa rin ako na siya ang aking asawa,” aniya. Sa bawat guhit ng kanyang kamay, tila isang hakbang ang kanyang tinatahak patungo sa paggaling. Hindi siya sumusuko at sa halip, ginagamit niya ang sining bilang paraan ng pagpapagaan ng kanyang kalooban at pagpapalakas ng loob.

Ang kanyang kuwento ay nagsisilbing inspirasyon sa maraming tao, lalo na sa mga dumadaan sa matinding pagsubok. Pinatunayan
niyang kahit sa kabila ng matinding hamon, may paraan upang makahanap ng liwanag. Ngayon, patuloy siyang lumilikha ng mga obra na hindi lamang nagpapakita ng kanyang talento kundi ng kanyang hindi matinag na pananampalataya. Ang bawat pattern ay kwento ng kanyang laban, at ang bawat linya ay simbolo ng kanyang hindi matatawarang determinasyon. Para kay Charity, ang Zentangle ay hindi lamang sining, ito ay buhay. Ito ang nagbibigay sa kanya ng lakas upang bumangon sa bawat umaga at harapin ang mundo nang may pag-asa.

Sa panahon kung saan maraming tao ang sumusuko dahil sa bigat ng buhay, si Charity ay isang paalala na may mga paraan upang
ipagpatuloy ang laban. Sa bawat guhit, may pag-asang bumubuo ng bagong simula. Ang sining ay maaaring libangan para sa iba, ngunit
para kay Charity, ito ang nagsisilbing lunas—hindi sa kanyang sakit, kundi sa kanyang puso at isip.

Jude Mark Biccay/UB-Intern

Amianan Balita Ngayon