LA TRINIDAD, Benguet – Isa ang patay, isa naman ang sugatan matapos magrambulan ang dalawang pamilya sa pamamagitan ng barilan, tagaan, at pananaksak, matapos ang kanilang hearing sa barangay sa Tabuk City, Kalinga, ayon sa ulat ng Police Regional Office-Cordillera, sa bayang ito.
Ayon kay Police Major Carol Lacuata, Regional Information Officer, naganap ang insidente dakong alas-4:00 ng hapon sa Sitio Tuliao, Barangay Calanan, Tabuk City.
Ang mga biktimang sina Clinton Serquina, Ranny Serquina at Ronnie Serquina at ang mga suspek na sina Lino Gunnawa, Abby Gunnawa, Gonzales Gunnawa at Yadan Gunnawa ay nagkaroon ng hearing sa barangay kaugnay sa kanilang matagal nang alitan, ayon sa imbestigasyon.
Habang naglalakad papauwi, pagkatapos ng hearing ay nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawang pamilya na nauwi sa rambulan.
Ang mga biktima ay agad na isinugod sa Kalinga Provincial Hospital ng mga rumespondeng kapitbahay, subalit idineklarang dead on arrival si Clinton Serquina na nagtamo ng taga ng itak sa katawan. Si Yadan Gunnawa naman ay nagtamo ng tama ng baril sa katawan at dinala sa Almora General Hospital.
Nadakip sa follow-up operation ng pulisya si Gonzales Gunnawa, samantalang sina Lino at Abby Gunnawa naman ay kasalukuyang pinaghahanap pa.
Zaldy Comanda/ABN
July 20, 2019
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025
April 19, 2025