105 PDL TUMANGGAP NG COUNSELING SA BAGUIO

 BAGUIO CITY

Sa loob ng tatlong magkakasunod na Sabado ng Agosto at Setyembre, binibigyan ng pansin ang mga PDL (Persons Deprived of Liberty) upang matugunan ang kanilang mga hamon sa aspeto ng kanilang psychosocial, emosyonal, at espiritwal na kalagayan. Noong Agosto 31, 2024, matagumpay na natapos ang unang bahagi ng programa kung saan 105 PDLs ang nakatanggap ng suporta mula sa 25 tagapayo ng UpLife Movement Inc. at Jesus Reigns Ministries-Baguio Benguet, sa pangunguna ng kanilang Presidente ng samahan, Rev. Rowena “Wawie” Orajay. 

Ang programang ito ay kaalinsunod din sa pagtugon sa suportang pangpiitan na nakabatay sa Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang BJMP Baguio City Jail Male Dormitory sa pamumuno ni Warden JSupt. April Rose Wandag-Ayangwa. Ang UpLife at JRM’s C.A.R.E. Coaching and Counseling Program ay may layuning mapatatag ang buhay ng ating mga PDLs sa mga sumusunod na aspeto gaya ng Compassion (Pagdamay):Pagtuturo ng empatiya at pag-unawa sa kapwa PDL; Awareness (Kamulatan):Pagpapalawak ng kamalayan sa sarili at ang epekto ng mga personal na kilos; Resilience (Katatagan): Paghubog ng kakayahang harapin ang stress at mga pagsubok; Empowerment (Pagpapalakas ng Loob):Pagtuturo sa mga PDL na kontrolin ang kanilang buhay at magtagumpay sa pagbabago a Coaching (Pagsasanay):Paghahanda sa mga PDL na maging peer counselors upang magkaroon ng masiglang komunidad sa loob ng pasilidad.

Sa mga susunod pang Sabado (Sept. 6 at 23, 2024), ang naturang kaakibat na grupo ay magpapatuloy sa pag-abot sa ating mga nangangailangang kapwa sa loob ng piitan upang sila’y tulungang maka-hakbang tungo sa liwanag ng buhay at may pag-asang bukas sa kanilang landas at sa paghahanda sa matatag na buhay sa pagbalik sa komunidad.

Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon