“11 KAPITAN NG PUGO, LA UNION NAGPAGAMIT UPANG YURUKAN ANG HALALAN”

Maaring bilangguan ang bagsak ng labing-isang Punong Barangay ng bayan ng Pugo, La Union na haharap sa election offenses kung mapapatunayang sila’y nagpagamit sa maliwanag na pagyurak sa diwa ng tunay na halalan. Sa isinampang reklamo sa Commission on Election (Comelec) ng civil society group Save Pugo Movement (SPM), inakusahang nilabag ng mga Kapitan ng barangay Ambalite, Cares, Duplas, Masaoas Norte, Masaoas Sur, Poblacion East, Poblacion West, San Luis, , Tavora East, Tavora Proper at Saytan ang section 261 (y) (9) ng Article XII ng Omnibus Election Code.

Partikular dito ang mga ipinagbabawal na gawain ukol sa pagpapatala ng mga botante sa lugar. Ang sertipikasyon ng 11 Kapitang mga residente sa kanilang mga barangay ang halos 3,000 “flying voter” diumano ng isang kandidatong
para-mayor ang inirereklamo ng mga tunay na mamamayan ng Pugo ang magpapatunay ng kanilang maitim na balaking lapastanganin ang halalan. Matuwid bang gawain ng isang tapat na lingkod-bayan, lalo na ang isang namumuno sa barangay, na itinuturing na basic unit na ating lipunan, ang magpakasangkapan upang balahurain ang halalan?

Ayon sa SPM, kataka-taka ang biglaang pagdami ng mga nais magpatalang botante sa Pugo, lalo na at sila’y hindi mga kilalang orihinal na residente ng naturang bayan, kundi mga taga ibayong mga bayan. Sa tala, lumobo ng 14,893 ang bilang ng mga botante nito lamang Agosto mula sa dating 12,008 lamang noong halalan ng Barangay at SK noong 2022 . Sa beripikasyong inilunsad, karamihan sa mga kakarehistrong botante sa Pugo, ay hindi mga orihinal na residente sa mga barangay, salungat sa isinaad sa mga barangay certifications ng 11 mga Kapitan.

Noong beripikahing ang barangay certifications, malinaw ang pagkapare-parehong blangko bago ipinamudmod sa mga “flying voters” upang i-fill up bilang katibayan ng residency sa mga barangays ng Pugo kung saan nagpapatala bilang botante upang ipanalo ang sinumang kawatang pulitikong gumamit sa kanila.

Amianan Balita Ngayon