ITOGON, BENGUET – Isinugod sa ospital ang 11 katao sa 20 pasahero na sakay ng isang jeep na tumaob sa Saddle, Samuyao, Ampucao ng bayang ito noong Hunyo 1, 2018, ika-10 ng gabi.
Ang pampasaherong jeep ay may plakang AYC 386 at ruta na Baguio-Philex, Itogon. Kinilala ang driver na si Melchor Guiniguin Luis, 28 anyos, may-asawa at nakatira sa Ampucao, Itogon, Benguet.
Ayon sa initial investigation ng Tuding, Itogon Police Station, nasa kalsadang papuntang Philex ang jeep nang maramdaman ng driver na may deprensya ang preno ng sasakyan. Dahil hindi na kayang kontrolin ng driver ang mabilis na takbo ng sasakyan, iginilid niya ito sa paanan ng bundok na siya namang ikinatumba ng jeep sa may driver side.
Paliwanag ng mga pulis, mas mainam ang pagtagilid ng driver ng jeep sa gilid ng bundok kaysa madatnan pa nito ang mga kabahayan na may nakaparadang sasakyan na malapit sa incident area dahil mas delikado at mas marami ang pinsala na maidudulot nito kung sakali.
Agad namang tumugon ang mga pulis sa Itogon Municipal Police Station headquarters sa Tuding matapos itinawag ng security department ng Philex Mining Corporation ang insidente.
Dinala ang mga nasugatan sa Baguio General Hospital at Sto. Niño Hospital ng Philex Mines Corporation.
Lima ang dinala sa Baguio General Hospital at kinilalang sina Martin Aguid, 33, residente ng Philex Mines, Ampucao, Itogon, Benguet; Celestina Sales, 45, residente ng Ampucao, Itogon, Benguet; Jennifer Billiones, 27, residente ng Irisan, Baguio City; Glen Paul Abenes, 31, mula sa Tuba, Benguet; at Angelie Palioen, 43, residente ng Ampucao, Itogon, Benguet. Anim ang dinala sa Sto. Niño Hospital sa Philex Mines at kinilalang sina Karen Guiniguin, 20, mula Talnag, Ampucao, Itogon, Benguet; Charles Mang-usan, 24, mula Salangan, Itogon, Benguet; Bernardo Andres, 35, residente ng Central Saddle, Ampucao, Itogon, Benguet; George Salinas, 27, ng Eastern Saddle, Ampucao, Itogon, Benguet; at Marina V. Marino, 23, residente ng Sunny Side, Camp 3, Tuba, Benguet.
Ang mga biktima ay nabigyan ng medical attention at nailabas din mula sa ospital pagkalipas ng ilang oras maliban kay Marina Marino na umabot ng halos isang araw para sa kanyang pagpapagaling. Deborah Aquino, UC Intern