LUNGSOD NG BAGUIO – May kabuuang 13 pulis sa Cordillera ang naipadala na sa Basilan na bahagi ng “internal cleansing” na isinasagawa ng Police Regional Office-Cordillera mula sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nabatid kay Senior Supt. Angelito Casimiro, deputy regional director for operations, pito ang huling naipadala noong Pebrero 22 para sa Task Force Basilan sa utos ng PNP national headquarters. “Walo sila lahat, pero nang malaman ng isa na kasama siya sa mapapadala sa Basilan ay nag-file na ito ng retirement.”
Ayon kay Casimiro, noong nakaraang taon ay anim na pulis ang naunang ipinadala sa Basilan dahil napatunayan sa imbestigasyon na sangkot sila sa illegal drugs at involved sa proteksyon ng mga sangkot sa pickpocket, theft at robbery.
Aniya, isang task force ang kanilang binuo sa ngayon para tumutok sa pag-iimbestiga sa mga pulis na sangkot sa illegal na gawain, may mga kaso at isinusumbong ng taongbayan at malimit na hindi pumapasok sa trabaho.
Isasailalim sa imbestigasyon at validation ang isang pulis at saka nila ito isusumite sa national headquarters at kapag napatunayang nakakasira ito sa organisasyon ay pagpapasyahang dalhin sa Basilan.
“Alam naman nating mahigpit ang utos ni Presidente Duterte sa internal cleansing ng kapulisan at maging si PNP Chief Dela Rosa ay galit sa pulis na sangkot sa illegal, kaya pasensyahan na lang sa kasamahan natin na mapapadala sa Basilan,” pahayag ni Casimiro.
Ang nasabing pitong pulis ay kinabibilangan ng isa mula sa Abra, dalawa sa Benguet, isa sa Baguio City, isa sa Apayao at dalawa mula sa regional headquarters, na pawang may ranggong PO2, PO3 at SP04.
Ayon pa kay Casimiro, hindi lamang ang Basilan ang tapunan ng mga tiwaling pulis kundi sa Cordillera din may ipinapadala. Aniya, may 124 na pulis mula sa Region 6, 7, 9, ARMM at CIDG ang na-transfer sa PROCOR. Zaldy Comanda / ABN
February 25, 2017
February 25, 2017
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024
December 8, 2024