LA TRINIDAD, Benguet
May kabuuang 160 kabataang benepisyaryo ng Special Program for Employment of Students (SPES) ang inaasahang magsisimulang
magtrabaho sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan ng La Trinidad ngayong buwan ng Mayo. Ayon sa pahayag ng Public Employment Services Office (PESO), ang SPES ay taunang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) katuwang ang mga lokal na
pamahalaan na layuning bigyang oportunidad ang mga estudyanteng nangangailangan ng dagdag na kita para maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral. Ayon sa PESO-La Trinidad, sinimulan ang proseso ng aplikasyon noong Disyembre 2024 at tumanggap sila ng 584
na aplikante mula sa 16 barangays.
Dumaan ang mga ito sa masusing pagsusuri, kabilang ang isang written examination, interview, at assessment ng financial eligibility, upang matukoy ang 160 na kwalipikadong estudyante. Ang pinakamataas na bilang ng aplikante ay mula sa Barangay Pico na may 111
aplikante, habang ang pinakamababa ay mula sa mga barangay ng Shilan at Bineng, na may tig-anim na aplikante lamang. Bilang bahagi ng screening, isinagawa rin ang pilot testing ng SPES Aptitude Test (SPESAT), kung saan sinukat ang mga sumusunod na kasanayan: Communication Skills (25%), Basic Numerical Skills (25%), Logical Reasoning (15%), Computer and Office Proficiency (15%), Organizational Skills (10%), Knowledge of Government Processes (10%).
Batay sa kabuuang scoring, 80% ng marka ay mula sa SPESAT, at 20% naman ay mula sa interview. Ang sahod ng mga SPES clerks ay paghahatian ng LGU (60%) at ng DOLE-CAR (40%). Ayon sa PESO, nakatakdang i-deploy ang mga napiling SPES beneficiaries sa iba’t ibang tanggapan ng munisipyo sa loob ng 25 araw, simula unang linggo ng Mayo. Habang inaayos ang mga dokumento mula sa DOLE-CAR, hinihikayat na rin ang mga benepisyaryo na maghanda sa kanilang magiging tungkulin. Ang SPES ay patuloy na kinikilala bilang epektibong programa sa pagtulong sa mga kabataang determinadong makapagtapos ng pag-aaral sa kabila ng kakulangan sa pinansyal na suporta.
Janieca Edejer/UB-Intern
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025
April 26, 2025