164 farmer-beneficiaries sa La Union tumanggap ng titulo ng lupa mula DAR

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, La Union – May kabuuang 164 agrarian reform beneficiaries (ARBs) mula sa apat ng local government units sa La Union ang opisyal nang nagmamay-ari sa lupang sinasaka nila matapos tanggapin ang kanilang Certificates of Land Ownership Award (CLOA) mula sa Department of Agrarian Reform (DAR)-La Union.
Noong Mayo 6, 164 farmer beneficiaries mula Naguilian, Bagulin, San Gabriel, at ng lungsod na ito ay ginawaran ng kanilang mga CLOA sa isang simpleng seremonya na ginawa sa Naguilian Central School sa bayan ng Naguilian.
May 105 CLOA, kapuwa kolektibo at indibiduwal ang ipinamahagi na lupang may lawak na 136.9591 ektarya.
Sa kaniyang mensahe ay binigyan-diin ni Atty. Emily Padilla, DAR Undersecretary for Support Services Office, na ang pamamahagi ng lupa ay ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng pandemya sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Ang sinabi ng ating Pangulo, gusto niyang maging centerpiece program ng kanyang administrasyon ay ang pamamahagi ng lupa o repormang agraryo,” ani Padilla.
Idinagdag niya na, ”Umiikot kami sa buong bansa na kahit may COVID-19, narito po kami at namamahagi ng lupa.”
Gayundin, sinabi ng opisyal ng DAR na ang mga magsasaka ay kabilang sa mga bayani ng bansa at ang pagmamay-ari ng lupa para sa kanila ay isang panlipunang hustisya. “Itong pamamahagi ng gobyerno ng lupa, sa pamamagitan ng aming departamento, ay simula ng social justice kaya sana ay pagyamanin at pagkakitaan niyo ang inyong lupang sinasaka,” aniya.
Samantala ay hinikayat niya ang lahat ng ARB na kumuha ng iba’t-ibang programa ng DAR na makakatulong pa sa kanila na makamit ang metatag na ekonomiya at itaas ang produksiyon ng agrikultura.
Kabilang dito ang pautang na may mababang interes at common service facilities at iba pa. Dumalo rin sa pamamahagi ng CLOA ang matataas na opisyal ng DAR mula sa head office hanggang sa opisina sa La Union, Naguilian Mayor Nieri Flores, at San Gabriel Mayor Herminigildo Velasco.
(JPD-PIA LU/PMCJr.-ABN)

Amianan Balita Ngayon