2 banyagang estudyante, nasaktan sa hiwalay na pag-atake

Isang babaeng estudyanteng Hapon ang nawalan ng malay nang may humampas sa kanya bago tinangay ang cellphone niya habang isa pang estudyanteng mula sa Saudi Arabia ang ginulpi naman sa harap ng isang bar sa lungsod.
Sa pahayag sa pulis ni Yujin Ichinose, 25, isang English language student sa  Pines International Academy at pansamantalang nakatira sa Chapiz Village, Marcos Highway, ay may humampas sa kanya nang nasa harap siya ng Lions Club sa Gov. Pack Road, ilang metro mula sa Philippines-Japan Friendship Park, at tinangay ang kanyang Iphone 6 mobile phone noong Hunyo 18 (Linggo).
Ayon sa biktima, nagkaroon sila ng pagtatalo ng kanyang boyfriend na si Kiko Kayle Discipulo Lim, 22, mula sa Maasim Road, San Luis, dito sa lungsod, kaya iniwan niya ito sa overpass sa Gov. Pack Road at pabalik sana sa dako ng Crown Legacy Hotel kung saan sila nanggaling.
Nang balikan ng malay ang biktima ay napansin nitong may dugo sa kanyang bunganga.
Iniulat lamang nito ang insidente sa kapulisan dakong 2:45 ng hapon noong Hunyo 19.
Samantala, madaling araw ng Lunes nang ang 24-anyos na Saudi student Abdulrahman Ather Hammed at kanyang 23-anyos na kaibigang si Kris Alfonso Rieza, isang customer service provider, ay ginulpi ng tatlong hindi pa nakikilalang lalaking bouncers ng Spade Bar, tatlong hindi nakilalang babae, at isang bakla.
Ayon sa pulis, si Hammed at kanyang kasama ay naghihintay ng taxi sa Kisad Road, harap ng naturang bar, nang isang Hazel at isang bakla ang umatake sa banyaga at binugbog ito sa tulong ng tatlong bouncers habang ang kaibigan ng biktima na nilapitan din ng isa pang babae ay sinabunutan at diumano ay sinuntok pa sa ulo.
Huminto lamang ang kaguluhan nang dumating ang mga kaibigan ni Hammed na umawat sa kanila.

Amianan Balita Ngayon