Nauwi sa saksakan ang masayang inuman ng magkakaibigan matapos na isang grupo ng kalalakihan ang nanaksak at nambugbog sa Lower Magsaysay dakong 1:30 am ng Hulyo 1.
Kinilala ang mga biktimang sina Aries Bulsao, 21-anyos, driver, at si Dhenmar Tada, 19-anyos, pocket miner, kapwa residente ng La Trinidad, Benguet. Isinugod ang mga biktima sa pinakamalapit na pagamutan sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Samantala, arestado ang mga suspek na sina Racel Bayong, 29-anyos; Domson Dayog, 21-anyos, kapwa pocket miner; at si Jimrhil Dimas, 26-anyos, lahat ay nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Baguio City Police Office (BCPO) Station 2 (Camdas), pauwi na ang mga biktima galing sa inuman at umihi lamang si Tada sa tabi ng paradahan ng jeep ng La Trindad nang sigawan at pagsasapakin siya ng suspek na si Bayong.
Gumanti umano ang biktima nang dumating ang grupo ni Bayong na sina Domson at Dimas at pinagsasaksak si Tada sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Umawat ang grupo ni Tada kasama ang biktimang si Bulsao nang pagsasaksakin din sila sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Tada at dinala sa operating room habang si Bulsao ay inoobserbahan sa ospital dahil sa tinamong saksak sa leeg at likod.
Hinihinalang kitchen knife ang ginamit ng mga suspek sa krimen subalit bigong marekober ito sa pinangyarihan ng krimen. MARK JASON SELGA, UC INTERN
July 7, 2018
July 7, 2018
May 11, 2025
May 3, 2025
April 19, 2025
April 12, 2025