3 high-value drug targets, nadakip ng PDEA sa Pangasinan

CAMP DIEGO SILANG, LA UNION – Sinampahan ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency regional office na nakabase sa kampong ito ang tatlong nadakip na high value targets (HVTs) dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
Ang mga suspek ay naaresto sa Barangay Lucao, Dagupan, Pangasinan noong Lunes (Oktubre 18, 2017) sa pamamagitan ng isang buy-bust operation na isinagawa dakong 2pm ng pinagsanib na tauhan ng Dagupan City Police at PDEA regional station sa Pangasinan.
Ayon kay Bismark Bengwayan, PDEA information officer, ang mga suspek ay sina James M. Manaoat, 24, residente ng Barangay Lasip Chico; Maja Demah Bajunaid, 27; at Jone Alexan Villamor, 28, pawang mula sa Bimmaley, sa probinsya ng Pangasinan.
Ani Bengwayan, ang mga suspek ay nagsu-supply ng ipinagbabawal na gamot sa mga estudyante, lalo na sa mga dayuhan, na nag-aaral sa iba’t ibang unibersidad at kolehiyo sa Dagupan. Isa sa mga suspek na si Bajunaid ay naiulat na half-Filipino.
Nakuha mula sa kanila ang isang nabalot na pahabang bigkis ng pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana na tinatayang tumitimbang ng 750grams at may street value na P90,000; at 33 na sealed transparent sachets ng pinatuyong dahon ng marijuana na may timbang na 280.5grams at nagkakahalaga ng P33,660.
Narekober din sa mga suspek ang isang totoong P1,000 bill na nakaibabaw sa 13 piraso na boodle money na ginamit upang pambayad ng anti-drug agent na nagpanggap bilang buyer; isang itim na Mitsubishi Mirage car na may plakang ABO-3148; isang blue travel bag at isang brown-white coin pouch.
Isa sa mga suspek ang umamin na kinukuha nila ang dried marijuana leaves mula sa Baguio City at sa katunayan ay kagagaling lamang ng mga ito sa lungsod nang isinagawa ang buy-bust.
Dagdag ni Bengwayan, ang tatlo ay matagal nang isinailalim sa surveillance dahil sa mga ulat ng pagbebenta ng mga ito ng marijuana sa mga estudyante sa Dagupan.
Ayon kay Atty. Allan Ancheta, namumuno sa Legal and Prosecution Section ng PDEA-regional office, kinakaharap ng mga suspek ang paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ng naamyendahan na Anti-Drugs Law. ERWIN BELEO

Amianan Balita Ngayon