“300M PROYEKTONG POPONDOHAN NG WORLD BANK, DINEDMA NG SANGGUNIANG PANLALAWIGAN NG LA UNION?”

Labis ang pagkadismaya ng mga umaasang magsasaka ng Santol, La Union ang pagka-antala ng P300M Ramut-Puguil farm-to-market road na bahagi ng mga proyektong pangsakahan ng Philippine Rural Development Plan (PRDP) ng Kagawaran ng Agrikultura. Nakakasa nang ibahagi ng World Bank (WB) ang naturang pondo, ngunit tatlong buwan na itong nakabinbin upang aprubahan sa pamamagitan ng resolusyon ng mga magigiting na kagawad ng Sangguniang Panlalawigan ng La Union.

Dahil sa hindi pagtugon ng SP sa proyekto, nanganganib ang pondo para sana sa kagalingan ng mga magsasaka ng Santol, La Union sa kabila ng kumpletong mga requirements at papeles ang isinumite ni La Union governor
Raphaelle Veronica Ortega-David. Hindi rin umanong nagkulang sa pagfollow-up sina Gov. Ortega-David sa SP at mga project managers ng DA, upang umabot sa June 16, 2024 deadline. Makupad ang galaw ng mga taga SP at umabot na sa tatlong buwang paghihintay sa kanilang resolution.

Rason kaya’t pinangangambaha ng mapunta sa ibang probinsya ang P300M project at maglalaho ang sana’y
siguradong benepisyo na sa mga magsasaka ng bayan ng Santol at kalauna’y pag-unlad ng ekonomiya ng buong probinsya ng La Union. Hamon ni Gov. Ortega David at mga magsasaka sa mga taga SP na pinamumunuan ni Vice Gov. Mario Ortega, na mismong Tito ng Gubernadora: “Kung gusto may paraan, kung ayaw maraming dahilan”.

Ayon pa sa Gubernadora, hindi sinasabi ng mga taga SP ang dahilan bakit natatagalan ang kanilang pag-apruba sa proyekto, lalo’t Committee Report man lang kung saan nakasaad ang mga dahilan bakit nabinbin ito sa mga kamay
nila. Ano ang nasa likod ng pag aatubili ng mga taga SP upang aprubahan ang P300M Ramut Puguil farm-to-market road? Ang halalang 2025 ba? Ganun na ba kawalang budhi ang mga pulitikong mas isinasa alang-alang ang pampulitikang interes at ambisyon kaysa ang kapakanan ng taumbayan?

Totoong sumagot si VGov Mario na pinapasubalian ang mga sinasambit ni Gov Ortega-David. Hindi naman daw nakikipag konsultahan ng maayos ang Gubernadora sa SP na “co-equal” nila. Sa mainitang State of the Province Address (SOPA) ni Gov Ortega-David nanggagalaiting sinagot ni VGov. Ortega ang nakababatang ka-angkan na kesyo hindi marunong ng proseso sa probinsya at mala diktador ito sa mga proyekto. Sa nag-umpisa nang bangayan
sa provincial level ng La Union bago pa man ang halalan sa 2025, sino ang ultimong biktima?

Amianan Balita Ngayon