CAMP DANGWA, Benguet – Iginawad ng Department of Labor and Employment (DOLE)- Cordillera ang P30,000.00 halaga ng tulong pangkabuhayan sa apat na dating rebelde na nagbalik-loob sa pamahalaan. Sa ginanap na Awarding of Livelihood Assistance Ceremony, pinangunahan ni DoLE Regional Director Nathaniel Lacambra, kasama si BGen.Ronald Oliver Lee, regional director ng Police Regional Office-Cordillera ang pamamahagi ng tulong pangkabuhayan sa apat na dating rebelde na ginanap noong Hulyo 12 sa Camp Bado Dangwa, La Trinidad, Benguet.
Sa programa, ang mga dating rebelde ay nakatanggap ng kanilang gustong livelihood assistance tulad ng Vulcanizing Shop, Motorcycle Parts and Accessories Shop, Milk Tea Shop, at Feeds Selling Business.
Nakatanggap si “Nanay Doms”, isang dating miyembro ng Militia ng Bayan (MB) ng iba’t ibang sangkap, materyales, at makinarya para sa kanyang Milk Tea Shop.
Si “Yoji” na dating pinuno ng pangkat ng Platoon Galis ng Chadli Molintas Command sa ilalim ng KLG AMPIS ay nakatanggap ng mga pangunahing kasangkapan at makinarya para sa kanyang Vulcanizing Shop.
Nakatanggap si “Joey” ng team Uno ng KLG Montes ng samu’t saring swine feed para sa kanyang Feeds Selling Business. Nakatanggap si “Alex” ng Bandila, NPA sa Bario ng iba’t ibang bahagi ng motorsiklo, accessories, likido, at kasangkapan para sa kanyang Motorcycle Parts and Accessories Shop.
Sa tulong pangkabuhayan, ang mga dating rebelde ay inaasahang magsisimulang muli at magbibigay-daan sa kanilang muling pagsasama sa komunidad.
Zaldy Comanda/ABN
July 16, 2022