4 rebeldeng NPA sumuko sa Cagayan

RIZAL,Cagayan – Apat na mga katutubong Agta na taga suporta ng rebeldeng New People’s Army (NPA) ang kusang-loob na tumiwalag at isinuko ang kanilang armas noong Abril 7 sa bayan ng Rizal, Cagayan. Nabatid kay 1Lt Lloyd Orbeta, civil military operations ng 17th Infantry Battalion ng 5th Infantry Division ng Philippine Military na naka-base sa Lal-lo,Cagayan, sina Ka Priz, 65; Ka Nore, 62; Ka Rey, 58 at Ka Ferde,39, pawang residente ng Barangay Masi, Rizal, Cagayan ay nagpasiyang sumuko at magbalik-loob sa pamahalaan na bitbit ang tatlong home-made shotgun.
Ayon kay Orbeta, ang mga sumuko ay nagpahayag na sila ay sapilitang ginagawang ginagawang tagahatid ng mga pagkain at armas ng mga rebelde at ginagawa rin silang espiya laban sa tropa ng pamahalaan.
Aniya, kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga kadre ay tinatakot at pinagbabantaan ang kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya.
“Sobrang paghihirap ang aming naranasan dahil sa pagmamando ng mga NPA. Kinokontrol nila kami at pinagbabantaan. Natatakot kaming suwayin ang utos nila dahil baka madamay ang aming pamilya. Wala kaming magawa kundi sumunod sa kanila kahit labag sa aming kalooban pati na rin sarili naming pamilya ay napabayaan narin,” pahayag umano ni Ka Ferde.
Hinangaan naman ni Commanding Officer Lt.Col Angelo Saguiguit ang katapangan na ipinamalas ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan. “Sa mga natitira pang biktima ng mga teroristang CPP-NPA na nananatiling nasa loob ng kilusan, magbalik-loob na kayo sa ating pamahalaan. Huwag na kayong magpagamit,dahil walang magandang maidudulot kundi panganib sa inyong buhay.
Sa ating pamahalaan, nariyan na ang Enhance Comprehensive Local Integratio Program (E-CLIP) na tiyak makatutulong sa inyong pagbabagong buhay.”
Zaldy Comanda/ABN

Amianan Balita Ngayon