Matapos manalo ang 433 na tumaya sa 6/55 GrandLotto na binola noong Oktubre 1, 2022 ay pinagtalunan ng mga tao sa buong bansa at nagpahayag ng kani-kaniyang kuro-kuro, espekulasyon at pagdududa na nag-iwan ng mabigat na katanungan kung sa anong punto na ang “suwerte” ay magmukhang isang raket o pandaraya? Ang tsansa na manalo sa GrandLotto (6/55) ay isa sa 28.9 milyon, sa nanalong 433 na tumaya sa kombinasyon na 09-45-36-27-18-54 ay paghahatian nila ang jackpot prize na PhP236 milyon, at bawat isa ay makakatanggap ng nasa PhP545,000, na wala pang nakakaltas na buwis. Itinuturing ito na isang makasaysayan at dipangkaraniwang bola ng ilang mga tao dahil sa kakatwang bilang ng mga nanalo sa kombinasyon na binubuo ng multiples ng siyam.
Ilang data analyst at statistician ang naniniwala at nagsabi na posibleng manalo ang 433 at hindi matematikong imposible ito. Ayon kay University of the Philippines’ Institute of Mathematics Professor at OCTA Research Fellow Dr. Guido David, ang probabilidad na makuha ng isang mananaya ang anim na numero sa 55 ay isa sa 30 milyon. Baka daw may posibilidad dahil may pattern kung saan mas marami ang pumusta sa ganitong pagkakasunod-sunod dahil may pattern nga, kaya hindi masasabing imposible ito. Subalit napakaliit daw ang probabilidad na mangyari na manalo ang 400 nang sabay-sabay. Ang probabilidad na magkaroon ng 433 nanalo ay 1.87e-1224 o isa sa 1 sinundan ng 1224 na mga sero.
Nanindigan ang pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang insidente ng 433 nanalo ng jackpot prize ay isang “likas ng pangyayari” at walang mga iregularidad, bagaman wala pang katulad. Itinuturing daw ang numero 9 na isang suwerte – at multiples nito. Sa laro ng sapalaran ay walang tama o walang mali, at ang pagiging tapat ng mga mananaya ay nagbunga kaya lang marami sila.
Mahigit sa 100 mga bansa sa lahat ng tinatahanang kontinente ay may ilang uri ng isang pambansang loterya at ang pinagmulan nito ay maaaring matunton pabalik sa maraming siglo. Sa Lumang Tipan ay inutusan si Moses magsagawa ng isang sensus ng mga tao ng Israel at hatiin ang lupa sa kanila. Samantala, iniulat na ginamit ng mga emperador ng Roma ang mga loterya upang ipamigay ang ari-arian at mga alipin.
Sa kasaysayan, ang mga loterya ay umiiral na sa Pilipinas mula pa noong 1833. Sa ilalim ng pagtangkilik ng mga pribadong negosyo na tinatawag na Empresa de Loteria Espanolas de Filipinas, isinagawa ng Gobyerno ng Espanya ang mga loterya upang bumuo ng kita. Sa katunayan ay mismong ang ating pambansang bayani Dr. Jose Rizal ay nanalo ng PhP6,200 sa isang bola noong 1892, habang nasa pagkakatapon (exile) sa Dapitan. Ibinigay niya bilang donasyon ang napalunan sa isang pang-edukasyon na proyekto.
Ang mapagsakripisyong gawang ito ay nagbigay ng pahiwatig kung ano ang magagawa kung ang loterya ay kontrolin at gamitin para sa kawanggawa at mga proyekto para sa kapakanang panlipunan. Ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay ang pangunahing ahensiya ng gobyerno para mangalap at magbigay ng mga pondo para sa mga programang pangkalusugan, tulong medikal at mga serbisyo, at mga kawanggawa na may pambansang karakter upang mapahusay ang kapakanang panlipunan ng bansa. Ang pangunahing mga produkto ng PCSO ay ang sweepstakes at mga loterya at iba’t-ibang uri ng mga laro ang ipinakilala at ibang mga inobasyon ay palaging kinokonsepto, lalo na ang tradisyunal at sarisaring scratch and match at ang Small Town Lottery (STL).
Maaaring makita ang mga Pilipino na nagbabakasakali sa lahat ng uri ng mga laro ng numero, hindi lamang sa lotto. Kasing-sama man ang tunog, ito ay karaniwan nang tangka na maging masuwerte upang ibsan ang mga problema na may kaugnayan sa pera. Ang pagsasagawa ng isang imbestigasyon na hinihingi nina Senator Koko Pimental at Risa Hontiveros sa Senado ay mukhang hindi na kailangan dahil kung tutuusin, ang 433 na nanalo ay isang patunay na walang iregularidad na nangyari sa bolahan dahil totoong mga tao ang mga nanalo at nagsimula nang magsipunta sa tanggapan ng PCSO upang kubrahin ang kani-kanilang panalo.
Kung iisa lamang ang nanalo at kung may matutunton na may kaugnayan ang nanalo sa sinuman sa mga
opisyal at pinaboran ay maaari nating masabi na may anomalya nga. Aksaya lamang sa oras at pera ang gagawing imbestigasyon na tiyak namang mapupunta ito sa wala. Ituon na lamang ng mga senador ang mga mata sa ibang mas mahalagang isyu. Magaling ang mga tao sa pagsipat ng mga pattern, subalit kailangan din nating tingnan kung ang partikular na kababalaghan ay nakabase sa suwerte o hindi. Kung suwerte nga ay, hindi kataka-taka ito.
October 10, 2022
April 19, 2025
April 12, 2025
April 5, 2025
March 29, 2025
March 22, 2025