SIGLA AT SAYA SA PAG AHON

NGAYONG araw ng Webes, habang sinusulat ang kolum na ito, ay umikot tayo sa Baguio Convention and Cultural Center habang ginaganap ang Membership Assembly Meeting ng lahat ng kasapi sa Baguio Tourism Council, indibidwal man o institutsyonal. Mga isandaang kasapi din ang nagparehistro at
nakipagtalakayan sa kanikanilang mga group.

Malaking kontribusyon ang hindi maikakaila na ibinabahagi ng turismo sa paglago ng ekonomiya. Bago pa
man manalasa si covid-19 Marso noong 2020, ang turismo ay una o pumapangalawa sa mga sektor ng ekonomiya na siyang bumubuhay sa lungsod, nagbibigay ng pondo sa gobyerno local upang matustusan ang mga mahahalagang pangangailangan ng sambayanan.

Kasagsagan ng pandemya, nilugmok ni Covid, sa pamamagitan ni Delta ng taong 2021, ang industriya ng
turismo. Maraming negosyo, malaki man o maliit, ay hindi nakayanan ang pagiging bukas. Kailangan silang mamahinga sa araw-araw na operasyon, dahil na rin sa mga pagbabawal sa byahe, sa ere,
sa lupa, at maging sa dagat. Ang mga manggagawa naman ay napilitang mamahinga na rin muna,
habang ang pangunahing pansin ay ang kalusugan at kaligtasan. Matindi ang dagok na idinulot ni covid-
19, lampas 4 na bilyong peso ang naglaho dahil sa pagkakasuspindi ng turismo sa Baguio.

Lampas 2 taon na lugmok ang turismo at ang mga nasa ilalim nito, mga ordinaryong manggagawa, mga
artista at nagtratrabaho sa iba’t ibang sub-sector ng industriya ay nagtiis habang binabalangkas ang malawakang pagbangon. Nitong Marso, 2022, untiunting naluwagan ang mundo ng turismo, at sa mga sumunod pang mga araw, lalo na ang dulo ng linggo, ay bumalik ang mga turistang sobrang pinasabik ng
mga natatanging atraksyon ng Baguio.

Ito ang pinaghuhugutan ng Baguio Tourism Council upang pulungin sa isang okasyon ang mga miyembro, individwal man o institusyonal, pribado man o publikong kasangga sa pagsulong ng turismo. Kapansin-pansin ang panibagong sigla at enerhiya na damang-dama habang ang iba’t ibang sektor ay kandaugagang nagbubungguang dila, maipahayag lamang ang pagnanasa n asana ay tuloy na tuloy na ang pag-ahon mula sa hirap, sakit, dagok, at hampas ng pandemya.

Iba na ngayon ang hanging humahampas sa bawat mukha. Hindi na bantulot ang pag-asang araw na lamang ang binibilang upang maibaon na ang pandemya at maging endemic na lamang ito, tulad ng
mga sakit na kumakapit sa sambayanan, mga karamdamang meron ng mga bakunang palagiang itinuturok sa mga braso.

Ano ang mga panawagan ng mga pribadong manggagawa sa mundo ng turismo? Ayuda sa panahon ng
kagipitan. Mga special tourism events na may mga programangakma sa kakayahan at kagalingan ng mga
manggagawa at mga alagad ng sining. Mga binuhay na festival tulad ng Panagbenga na siyang star attraction anuman ang taon, hamon at pagkakataon, noong wala pa si covid-19. Isang programa ng
masusing atensyon mula sa gobyerno local upang makamtan ng bawat sektor ang tulong at suporta na tanging pamahalaan ang makasasagot.

Magandang senyales ito upang maibalik ng tuluyan ang sigla at saya sa pag-ahon at pag-bangon. Ang pag-asang hindi na muling gagambalain ng isang covid-19 ang buhay at pamumuhay ng bawat Pilipino,
ng mga taga-Baguio, at lahat ng nagnanasang mabisita ang lungsod habang ito ay iniaahon ng pinasiglang mundo ng turismo. AngatTayoBaguio. Pwede po ba, kayo ba ay nakadalawang booster shot na?

Malungkot isipin na sa panahong bumabangon ang isang lugar, halos 30% lang ang naturukan na ng 2 booster shots, at nasa 15% lang ang nandoon pa lang sa one dosage. Huwag na nating ibangon ang
nalulugmok na covid-19. Magpabooster shot na. Now na.#

Amianan Balita Ngayon