“KATAPUSAN NA KAYA NI CERVANTES, TABAYOCYOC, MAALA?”

Marahil katapusan na ng sindikatong gumagamit sa pangalan ng pinakamataas na opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Securities and Exchange Commission (SEC) sa Norte nang huliin ng NBI-Cordillera Biyernes ng umaga noong nakaraang linggo sa isang malaking mall chain sa Baguio City si Lioric Cervantes, 24. Agad pinusasan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation- Cordillera (NBICAR) si Cervantes nang tanggapin nito mula sa
nagreklamong opisyal ng isang malaking pribadong kumpanya sa La Union ang P750,000,000.00 na diumano’y multa sa deficiencies sa reportorial requirements ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Pang-apat nang transaksyon ni Cervantes sa naturang opisyal at umabot na sa P4,000,000.00 ang nakotong ng una mula sa huli, dalawang taon na ang nakaraan. Bukod sa flourescent powder-laced cash, nahuli ang acknowledgment receipt sa P750,000,000.00 na may peke pang pirma ni SEC Chairman Emilio B. Aquino and SEC Commissioner McJill Bryant T. Fernandez. Nahuli din si Kyle Tabayocyoc, asawa ng accountant ng kumpanya ng nagreklamong opisyal ng pribabong kumpanya, at drayber na si Cristopher Maala.

Nakuha din mula kay Tabayocyoc ang dalawang Glock 9mm pistols at mga bala ngunit walang Permit-to-Carry. Ang modus ni Cervantes, Tabayocyoc at Maala ay “tagaayos” daw sila ng mga may “problema” sa BIR at SEC kapalit ng malalaking halaga. Bukod kay SEC Chairman Aquino, nagpakilalang malapit ang sindikato kay BIR Commissioner Romeo D. Lumagui Jr., BIR OIC Assistant Commissioner for Large Taxpayers Service Jethro M. Sabariaga at BIR Deputy Commissioner for Operations Maridur V. Rosario, pati BIR district 3 (La Union) Revenue District Officer Nicanor S. Ventura.

Ayon kay Ventura, ginagamit lamang ng sindikato ni Cervantes, Tabayocyoc at Maala ang pangalan niya at iba pang matataas na opisyal ng BIR upang makapangotong. Ipinangangalandakan din ng sindikato ang kanilang koneksyon sa isang maimpluwensiyang sekta ng relihiyon upang makapangikil sa kanilang mga biktimang may mga “problema” sa mga ahensya ng pamahalaan. Sana katapusan na nga ng mga kawatang ito nang wala ng mabiktima pa.

Amianan Balita Ngayon