INIT AT ALAB

ILANG araw na lang ay bagong buwan na. Mayo na, isang panibagong panahon. Ang tanong ng karamihan ng mga Pinoy: Kasing-init pa ba? May dahilan kung bakit maraming agam-agam ang naipapahayag. Kung ngayon pa lang ay lampas-bubong na ang init sa araw-araw, lalo na raw sa darating na Mayo. Kung ngayon pa lang, sagad hanggang buto-buto ang init sa maghapon at magdamag, ano pa kaya sa susunod na buwan? Kung ngayon pa lang, pumapalo sa 44 hanggang 48 C egrees ang temperature, ano paka ya kapag nasa 50 C degrees na.?

Kapag nagkaganoon, mga pawis natin hindi lang tumatagtak. Umaagos na. Mga pawis natin, hindi na patakpatak. Buo-buo na. Hindi parang luha, kundi parang agos na may hapding iniiwan sa katawan. Kung nagkataon na higit
ang init ng darating na buwan, para na siguro tayong nilublob sa kumukulong langis. Higit ang init, lampas-langit na ang tagtuyot. Pansinin ang mga lugar na hinahampas ng init ng panahon: Cabanatuan, Dagupan, Kamaynilaan, Daet, CamSur — mga pook dito sa Luzon na tila nag-aapoy sa kainitan.

Sa kabilang dako ng bansa, sa Kabisayaan, ito ang mga lugar na nagiinit anumang oras: Iloilo, Dumaguete, Samar at Leyte, Bacolod. Ganoon na rin sa Mindanao, ang mga pook ay Davao, Cagayan de Oro, Surigao, Zamboanga. Sa susunod na buwan, ayon na rin sa mga dalubhasa, walang pag-asa na maaasahan na bababa na parang elevator ang temperature. Lubhang tumataas ang temperatura saan man bumaling. Sa ilang dako ng Pilipinas, umaabot ang heat
index ng lampas 45 degrees C, palatandaan na ang tagtuyot ay patuly na iiral ng walang gaanong pagbabago baguhin man ang araw, lingo at buwan.

Ito ang panahon ng tagtuyot, at sabi nga ng Pag-Asa, walang pagasang magbabago sa susunod na buwan. Pinapalad pa rin tayong mga taga-Baguio. Ang lungsod ay may mga gubat na yumayakap sa Central Business District. Ang mga
puno ay tila mga bantaykalikasan na nagsisilbing ugat ng hanging pumapawi sa init ng maghapon. Kung hindi sana
nabawasan ng walang puknat na pagputol ng mga puno, lalo at higit ang pine tree, lalo sigurop tayong nasa klima ng
tag-init na medyo may lamig. Katangi-tangi ang ating lungsod. Binalangkas at binuo upang magsilbing mapang-akit
na gayuma sa mga nasa ibaba nito.

Kahit ngayong panahon ng tag-init, ang nararamdaman ay mahinahong init na kaya pang indahin at salagin,
anumang oras, maski sa kataasan ng araw. Kapag kalagitnaan naman ng maghapon, ay may ulang tila nagpumiglas upang busugin ang lupang bumibiyak sa matinding sikat ng araw. Hindi gaanong malakas, pero sapat na upang madiligan ang natutuyuang lupa. Ang mga patak ng ulan, hindi man hinlalaki ng daliri, tamang-tama lang upang kahit papaano ang lupang nagbibiyakan na sa tindi ng panahon ay unti-unting nagkakaroon ng panibagong buhay at sigla.

Nitong kalagitnaan ng Abril, ang panahon ay hindi gaanong nakakapinsala at nananalasa. Nitong Abril natin
nararanasan ang tila hinahaplos na ganda at gayuma ng Baguio. Hindi tulad sa kapatagan, laging bukang-bibig ang mga sakit dala ng pagkakatuyo ng katawan. Kaya naman, ang mga naiinitan, kaliwa’t kanan ang mga ginagawa upang kahit papaano, maibsan ng ilang bahagdan ang init sa katawan. Heat Index ang tawag doon, isang pamantayan ng pagsukat ng init ng katawan.

Kaya naman, dapat hindi pinababayaan na matuyuan ang katawan. Iwas heat exhaustion. Iwas heat stress. Iwas heat
stroke. Laging uminom ng tubig. Bigyang panlamig ang katawang hindi dapat maagnas sa init ng panahon. Ibang klase naman ang pamatay-init sa ilan. Magpalamig, huwag lamang manlamig. Pasensyahan na natin, kasi tila napag-iwanan sya ng buwan. Akala yata, Pebrero pa rin. Buwan ng pagmamahal, Paano na kung ang init ng magdamag ay hindi na matiis at ang buhay ng gabi ay inaalisan ng init ng buhay para magkabuhay ang nakahimlay sa laylayan ng tagtuyot?

Sabagay, hindi lamang pagmamahal na galing sa puso, isip at diwa ang nangibabaw, hindi ba? Pati nga mga bagaybagay nakikiisa sa panahon ng pagtaas ng presyon. Ang tawag diyan ay alta presyon na nagsimula sa sobrang
atensyon dahil sa labis na atraksyon. Ganito na nga naman ang timpla ng tag-init, lalo na sa pagmamahal ng mga bagaybagay na higit ang halaga. Kapag nandyan na, tuloy-tuloy ang agos. Tuloy din naman ang daluyong ng buhay, na dulot ng patuloy na pag-inog ng hindi matatawarang pagmamahal.

Kung tag-init, panatiliin ang kalmadong pag-iisip, ang maalab na damdaming minsan ay nagiging gamugamong
ginayuma ng lagablab ng apoy. Kung pag-iisip naman ang mamamayagpag, kelangan ngang pagtuunan ng masusing
pansin. Bakit ang agos ng buhay ay susukatin sa presyo at hindi ng halaga? Nasa presyo ba, at walang kwenta na ang
halaga? Gaano na nga ba kadalas ang dapat ay minsan lamang? Minsan lang ang init, pero pwede namang pairalin ang alam ng damdamin. Ang minsan ba ay walang halaga sa mga pagkakataong kailangan dalasan ang kusang-loob ng puso, ang tibay ng loob at lakas ng dibdib, at ang nasang maibsan ang panlalamig kapag tumitindi ang alab? #

Amianan Balita Ngayon