SURIGAONON NANGUNA SA 278 GRADUATING PMA CLASS 2024

FORT DEL PILAR, Baguio City

“Hindi ko expected na ako ang maging No.1 sa ranking, ngayon ko lang nalaman, kasi noong nagrerehearsal kami bago ang presscon na ito, ay hindi naman sinabi sa amin kung sinu-sino ang nasa Top Ten, nabigla ako,masaya at
alam kong ngayon ay masaya din ang aking pamilya sa nangyaring ito. Lahat ng ito ay alay ko sa kanila, dahil sila ang
naging inspirasyon ko sa pagpasok ko sa akademyang ito,” pahayag ni Cadet First Class Jeneth B.Elumba, 24, na
tinaguriang valedictorian,na nanguna sa 278 graduating cadet ng Philippine Military Academy ‘BAGONG SINAG’
(Bagong Henerasyong Gagampanan ang Tama:Serbisyo,Integridad at Nasyonalismo ang Aming Gabay) Class of 2024. Si Elumba, 24, tubong Surigao City,Surigao del Norte, ay tatanggap ng Presidential Saber Award, mula kay  Presidente Ferdinand Marcos,Jr., na magsisilbing guest of honor and speaker sa magaganap na graduation rites sa Mayo 18.

Bukod sa Magna Cum Laude award, siya ay paparangalan din ng Australian Defense Best Over-all Performance award; Tactics Group Award; JUSMAG Saber award at Philippine Army Saber award, na kanyang aaniban Ipinahayag din ni PMA Superintendent Lt.Gen. Rowen S. Tolentino, sa isinagawang media conference kaninang umaga, May 10, na ang salutatorian naman ay si Cadet First Class Mark Armuel Boiles, 21, ng Novaliches,Quezon City, na tatangap naman ng Vice Presidential Saber Award; Academic Group Award; Management Plaque; Air Force Professional Courses Plaque; General Antonio Luna Award;Australian Defense Best Overall Performance Award at Philippine Air Force Award, na kanyang aaniban.

Ang iba pang top graduate ay sina No.3 Kim Harold Gilo, 21, ng Villa Kananga,Butuan City, na aanib sa Philippine Navy; No.4 Cyril Joy Masculino, 22, ng Nabua,Camarines Sur, na aanib sa PA; No.5 Rosemel Dogello,21, ng Jamindan,Capiz, na aanib sa PA; No.6 Alexa Maye Valen,21, ng Kapatagan, Lanao del Norte, na aanib sa PA. No.7 Floyd Nino Arthur Roxas, 23, ng Leganes,Iloilo, na aanib sa PN; No.8 Giselle Tong, 22, ng Tuguegarao City,Cagayan, na aanib sa PN; No.9 Danica Marie Viray,23, ng Pasay City, na aanib sa PA at No.10 Neriva Binag, 22, ng Cabagan,Isabela, na aanib sa PN.

Tatanggapin naman ng Chief of Staff Saber Award si Cadet 1CL Joshua Adrianne Gonzales, 22, ng South Cotabato, samantalang pitong kadete ang tinaguriang Cum Laude na tatanggap din ng mga award ay sina Paula Joy Aviquivil, ng San Pablo City, Laguna; Mitzi Binamira,ng Sto Domingo, Albay; Jeenela Calumba, ng Binan,Laguna; Ronald It-itan, ng Sabangan, Mt. Province; Matthew Echague, ng Legaspi City,Albay;Joenel Cabansay,ng North Cotabato at Christian Nadunza ng Rodriguez,Rizal. Ang PMA BAGONG SINAG ay kinabibilangan ng 224 male at 54 female, na may kabuuang 144 ang aanib sa Philippine Army; 62 sa Philippine Air Force at 72 sa Philippine Navy. Sa nasabing graduating class, ay 130 ang college graduate; 16 ang undergraduate at 132 ang Senior High School graduate.

Zaldy Comanda with reports Pigeon Lobien/ABN

Amianan Balita Ngayon