KARAGDAGANG PONDO TUNGO SA IKABUBUTI NG KOOPERATIBA- HUWAG SA TALIWAS

Noong taong 2022 ay nakalikom ang mga member-consumer-owners (MCOs) ng Benguet Electric Cooperative (BENECO) ng mahigit PhP26 milyon bilang share capital upang suportahan ang rehistrasyon ng kooperatiba ng kuryente sa Cooperative Development Authority (CDA) kung saan ang nasabing halaga ay mula sa mahigit 39,000 consumers na may minimum na 20 shares na katumbas ng PhP20, bawat isa. Idineklara ng BENECO sa CDA ang authorized capital na PhP1.1 bilyon na may subscribed capital na mahigit PhP279 milyon at paid-up capital na higit
PhP69 milyon na kailangang malikom ng mga consumer sa pamamagitan ng kanilang prescribed minimum share capital o mahigit.

Sinabi ng pamunuan ng kooperatiba na ang share capital ng mga miyembro ay kikita ng interes depende sa magiging kita ng idideklara ng business venture kung saan ipinuhunan ang kanilang pera. Ayon pa sa BENECO, ang nasabing share capital ng mga miyembro ay gagamitin upang maglagay ng karagdagang renewable energy plants sa loob ng franchise area ng BENECO upang mapataas ang suplay ng renewable energy na ipapasok sa grid para makaambag sa pangkalahatang mga pagsisikap na pababain ang mataas na halaga ng kuryente na sinisingil sa mga consumer.

Minabuti ng BENECO na irehistro ito sa CDA upang mahadlangan ang posibleng pag-takeover sa kooperatiba ng kuryente ng mayayamang private power distribution utilities na ibig sabihin nito ay mas mataas na power rates dahil sa kanilang likas na motibong kumite ng mga kompanya kumpara sa mga kooperatiba na may malakas na mandato sa pangangailangan ng miyembro at serbisyo. Hinikayat ng BENECO ang MCOs na boluntaryong bayaran ang kanilang minimum share capital na 202 shares katumbas ng PhP2,000 at para sa mga may kakayanan, magdagdag sa kanilang share capital upang malikom ng kooperatiba ang kinakailangan paid-up.

Kaysa mangutang ang BENECO sa mga bangko na may mas mataas na interes ay mas mabuti daw na magmula sa share capital ng MCOs sa ang pondo upang pahalagahan nila ang importansiya ng mga kooperatiba at itaas ang estado ng BENECO sa mas mataas na antas kahit pa naiuri na ito bilang Triple A electric cooperative. Nito lamang ay muling hinikayat ng BENECO ang mahigit 144,000 MCOs na bayaran ang kanilang minimum share capital na PhP2,000 upang mapunan ang kinakailangang pondo na gagamitin sa implementasyon ng iba’t-ibang mga renewable energy project na nakalinya na.

Ayon kay BENECO general manager Engr. Melchor S. Licoben na hanggang sa kasalukuyan, mayroong higit 26,000 MCOs ang lubos na nakapagbayad na ng kanilang share capital na nagkakahalaga ng mahigit PhP37 milyon na inilagay sa ilalim ng restrictive deposit sa isang lokal na bangko. Noong nakaraang taon ay inaprubahan sa annual general membership assembly ang panukala ng management na itaas ang share capital ng mga miyembro mula sa dating PhP500 sa PhP2,000 na diumano’y maaaring bayaran sa loob ng dalawang taon at ang nasabing pondo ay eksklusibong gagamitin lamang sa implementasyon ng iba’t-ibang renewable energy projects ng kooperatiba ng

elektrisidad.
Ngayong naayos na ang matagal na sigalot ng agawan sa puwesto sa pagiging general manager ng BENECO gayundin ang pagpapatalsik at pagpalit sa mga dating Board of Directors na nasangkot sa mga anomalya at isyu ng korapsiyon ay harinawa ay mas maayos nang mapatakbo ang primerang tagapaghatid ng kuryente sa buong Cordillera. Ang pagpapaunlad ng mga potensiyal na pagkukunan ng renewable energy sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ay isang agarang kautusan ni Pangulong Fredinand R. Marcos Jr. at bilang isang pagsisikap upang maibsan ang
lumalalang mga epekto ng climate change sa buong mundo at mapababa ang singil sa kuryente para sa kaginhawaan ng bawat isang Pilipino.

Obligasyon ng mga MCO na bayaran ang kanilang share capital habang karapatan din nila na malaman at mausisa kung saan napupunta ang kanilang mga pinaghirapang ambag upang mapatakbo ng maayos ang kooperatiba. Dahil sa ang mga Board of Directors ang nagdedesisyon kung saan mapupuntang mga negosyo ang mga pondo ng kooperatiba ay dapat lamang na mabantayan ito at maging bukas ang bawat transaksiyon upang hindi na maulit ang mga anomalya ng mga nakaraang mga opisyal dahil walang bahong hindi sisingaw gaano man ito itago at ilihim. Sa mga mamumuno at mga bagong BOD ng kooperatiba, good luck po sa inyong lahat!

Amianan Balita Ngayon