NITONG mga huling araw, halos tuwing hapon ay umuulan na, tulad ng mga nakaraang taon na pagdating ng panahon na ating nararanasan ngayon, halos hapon-hapon ay umuulan. Hindi kataka-taka na halos maghiyawan sa tuwa tayong mga taga-bundok ng Baguio. Tag-ulan ang naging karaniwang panawagan sa kalangitan. Please Lord, ibuhos mop o ang ulan! Ang iba naman, sa kasagsagan ng tag-tuyot na umiiral nitong nakaraang mga linggo at buwan, mula pa ng Pebrero, Marso at Abril, hindi napigilan ang maghiyawan sa tuwa at galak.
Hindi ito dapat pagtakhan. Sa gitna ng umiral na tindi ng tag-init, lalo na sa kapatagan at ka Maynilaan, lampas bubong, halos pan-langit na ang pagbulusok ng init ng panahon. Humahampas, humahambalos. Init na nanunuot.
Kaya naman, halos malapwesta ang reaksyon ng sambayanan. Biglang bumuhos ang ulan. Sunod-sunod na malalaking mga patak. Nagbabaha na nga sa ibang mababang mga lugar, tulad ng City Camp kung saan nandoon ang lagoon na hinihimlayan ng umaagos na tubig. Nitong linggo ngang nagdaan, halos tuwing hapon, bumubuhos ang ulan.
Nagkaroon ba ng awa ang kalangitan kung saan ating ipinahimpapawid ang hindi magkamayaw na mga panalangin? Sabi ng barbero ko, hindi nadala sa dalangin daw. Meron lang nagkantahan ng wala sa tono. Sabay-sabay pa, at samasama na ipinahimpapawid ang mga tinig upang bumunghalit ng ilang pyesa ng pagkanta? Kahit na mga disintunado, okey lang daw, dahil mas malakas ang bubuhos na ulan. Sana naman ay tuloy na ang tag-ulan. Ibang
klase at kalidad ang nagdaang tag-init. Humahagupit. Kaya naman, hindi kakaunti ang ang halos mag-sayawan sa tuwa habang tinatanggap ang mga tikatik ng mga patak na hulog ng langit.
Kung noon ay agamagam ang inihiyaw sa mga weather forecast na uulan sa Mayo, ngayon nga ay buong katuwaan ang kanilang naibubunghalit. Kakatuwa ka Pinoy! Tag-ulan na, paalam taginit. Ang madalas ngang marinig, ngayong patapos na ang tagtuyot, ibaon na sa limot ang mga nagdaang araw na kalian lang nating dinaanan. Na kung saan, sagad hanggang buto-buto ang init sa maghapon at magdamag,? Akalain ba natin na noong taginit, pumalo sa 44 hanggang 48 C degrees ang temperatura, ano pa kaya daw sa mga lugar na nakaabot na sa 50 C degrees?
Ganito na nga ang mga nakababaliw na pamahiin ng panahon, na ang tag-tuyot ay magdudulot ng ibayong init na
hindi pa kailanman naranasan. Maaalala pa ba ang mga pawis natin hindi lang tumatagtak. Umaagos na. Mga pawis natin, hindi na patak-patak. Buo-buo na. Hindi parang luha, kundi parang agos na may hapding iniiwan sa katawan.
Hindi ba’t narinig natin ang hinaing sa bawat araw ng nagdaang mga buwan, na para na tayong nilublob sa kumukulong langis? Ganyan ang malawakang karanasan na ang init ay, lampas-langit, na ang tag-init ay mistulang
napakuluan sa magdamag.
Kaya naman, ngayong tagulan na, hayaang buksan ng kalangitan ang lahat ng bintana upang ibuhos ang biyaya ng
ulan. Hayaang basain ang mga tigang na kalupaan na binasagbasag ng init ng panahon. Hayaang kahit minsan ay
magtampisaw tayo sa ulan, at buong layang paagusin ang tikatik ng tubig mula ulo hanggang paanan. Pinapalad pa rin tayong mga taga-Baguio. Ang lungsod ay may mga gubat na yumayakap sa Central Business District. Ang mga
puno ay tila mga bantaykalikasan na nagsisilbing ugat ng hanging pumapawi sa init ng maghapon. Kung hindi sana
nabawasan ng walang puknat na pagputol ng mga puno, lalo at higit ang pine tree, lalo sigurop tayong nasa klima ng
tag-init na medyo may lamig.
Katangi-tangi ang ating lungsod. Binalangkas at binuo upang magsilbing mapang-akit na gayuma sa mga nasa ibaba
nito. Kahit ngayong panahon ng tag-init, ang nararamdaman ay mahinahong init na kaya pang indahin at salagin,
anumang oras, maski sa kataasan ng araw. Kapag kalagitnaan naman ng maghapon, ay may ulang tila nagpumiglas upang busugin ang lupang bumibiyak sa matinding sikat ng araw. Hindi gaanong malakas, pero sapat na upang madiligan ang natutuyuang lupa. Ang mga patak ng ulan, hindi man hinlalaki ng daliri, tamang-tama lang upang kahit papaano ang lupang nagbibiyakan na sa tindi ng panahon ay unti-unting nagkakaroon ng panibagong buhay at sigla.
Hindi tulad sa kapatagan, laging bukang-bibig ang mga sakit dala ng pagkakatuyo ng katawan. Kaya naman, ang mga naiinitan, kaliwa’t kanan ang mga ginagawa upang kahit papaano, maibsan ng ilang bahagdan ang init sa katawan. Heat Index ang tawag doon, isang pamantayan ng pagsukat ng init ng katawan. Paano na kung ang init ng
magdamag ay hindi na matiis at ang buhay ng gabi ay inaalisan ng init ng buhay para magkabuhay ang nakahimlay sa laylayan ng tagtuyot? Huwag ng magtanong, dahil ngayong mga araw, hindi na pasusupil, hindi na pasisiil, tag-ulan na!#
September 21, 2024
September 21, 2024
September 21, 2024
September 21, 2024
September 21, 2024
September 15, 2024