44 katao huli sa paglabag ng No Smoking ordinance

Provincial

LA TRINIDAD, Benguet – 44 katao ang nahuling lumabag sa No Smoking ordinance sa bayang ito simula noong Enero hanggang Mayo ngayong taon, kabilang ang mga nagtitinda at naninigarilyo, ayon sa datos ng La Trinidad Municipal Police Station. “Our duty is a zero no smoking municipality,” ayon kay Mayor Romeo K. Salda sa isang panayam noong Martes, July 2, 2019.

Sinabi niya na lahat ng implementors ay mahigpit ang pagpapatupad ng Executive Order 26 kung saan binase ang citation ticket at hinuhuli ang mga aktwal na nakikita nilang naninigarilyo. Dinagdag niya na ang paninigarilyo, ayon sa Department of Health ay isa sa mga pangunahing dahilan ng mortality.

Matatandaang ang Executive Order 26 o No Smoking ban ay ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga publikong lugar tulad ng paaralan at opisina.

“We recognize Dr. Genevieve Degay and all the deputized implementors such as Bpats, barangay tanods, womens brigade, at yong mga iba’t ibang association for helping the implementation,” ani Salda.

Gayunpaman, kinukunsidera pa rin nya ang pagkakaroon ng smoking area sa ibang barangay kung merong may gustong magdonate at hindi lalabag sa hinihingi na pamantayan ng public highways.

Batay sa datos, may Php27,000 multa nang nakolekta simula Enero hanggang Mayo. Ayon naman kay Municipal Police Station officer, Ariel S. Tongson, “talagang implemented yung no smoking ordinance dito sa La Trinidad at istrikto kami sa pagpapatupad nito, lahat ng violator huhuliin, pag naaktuhan, huhuliin.”

Sinabi din niya na sa ngayon, hanggang sa first offense pa lang ang nakuha kung saan nagkakahalaga ito Php1,500. Dinagdag niya na yung mga hindi kayang magbayad ay may contest probation na Php500. Mayroon ding community service para sa mga walang pambayad kung saan ang Municipal Environment and Natural Resources Office ang
nagtatalaga kung saang lugar sila mag-conduct ng community service at kung ilang araw.

Ayon pa kay Tongson, may na-deputize sa pagmomonitor at sa pagpapatupad ng ordinansang ito. Binanggit din niya na ang paninigarilyo ay talagang masama sa katawan.

Lina Sotelo, UC Intern/ABN