5 drug pusher huli sa buy-bust operation

Limang drug pusher ang magkakasunod na bumagsak sa bitag ng pulisya sa isinagawang buy-bust operation na nagresulta ng pagkumpiska ng 20 sachets ng shabu sa siyudad at karatig-bayan sa lalawigan ng Benguet. 
Sa ulat ng City Drug Enforcement Unit (DEU) ng Baguio City Police Office (BCPO), una nilang nasakote noong Agosto 7 ang female drug pusher na si Rose Marie Delos Reyes Masucol, 41, tubong ng Compostela Sibulida, San Vicente, Davao Del Norte.
Bumagsak ito sa buy-bust operation na isinagawa sa Leonard Wood Road, Baguio City at nakumpiska sa kanya ang 14 sachets ng shabu, kabilang ang isa rito na ibinebenta sa poseur-buyer nang P5,000.
Sa La Trinidad, Benguet, naaresto naman si Begee Langaoan Lugangis, 32, ng Bahong, La Trinidad sa buy-bust operation na isinagawa sa barangay at nakuha sa kanya ang isang sachet ng shabu na ibinebenta sa poseur-buyer nang P1,000.
Tatlo pang drug pusher ang nadakip sa buy-bust operation noong Agosto 8 sa may Purok 7, Lamog Street, Victoria Village, Baguio City.
Kinilala ang mga nadakip na sina Renato Lee Lazaro, 52, taxi driver, ng  Purok 7, Lamog Street, Victoria Village, Baguio City; Rolando Cornejo Manaois, 49, mekaniko, ng Tacay Road, Quezon Hill, Baguio City; at Jenelyn Delanda Alarba, 32, OFW, ng Iloilo City.
Limang sachets ng shabu at mga assorted drug paraphernalia ang nakuha sa mga suspek na isinagawa din ng DEU, Criminal Intelligence Unit (CIU), at Station 1 ng BCPO. ZALDY COMANDA

Amianan Balita Ngayon