50-megawatt solar power project, iminungkahi sa Pangasinan

LINGAYEN, PANGASINAN – Naghayag ng layunin ang isang kumpanya na nakabase sa Metro Manila upang magtayo ng solar energy project sa Barangay San Bonifacio at San Roque sa bayan ng San Manuel, Pangasinan.
Ito ay inihayag sa liham ni Dr. Romel Carlos, president and chief executive officer ng Pilipinas Newton Energy Corporation mula sa Taguig City, kay Governor Amado Espino III.
Ang liham ay humihiling ng provincial endorsement para sa development ng San Manuel 1 Solar Power Project sa Barangays San Bonifacio at San Roque na may kapasidad na 70 megawatts (photo voltaic) na katumbas ng 50 megawatts.
Kabilang sa proyekto ay ang interconnection facility ng seven-kilometer KV (kilovolt) line mula sa project site papuntang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) Extra High Voltage station sa Barangay Nagsaag, San Manuel.
Inendorso naman ni Espino ang liham ni Carlos sa Sangguniang Panlalawigan kung saan maaaring imbitahan ang proponent na iprisinta ang kanilang proyekto bago bigyan ng endorsement.
Matatagpuan sa San Manuel ang 400-megawatt San Roque Multi-Purpose Project na ginagamit ang tubig mula sa mataas na daloy ng Agno River para sa hydro-electric purposes. LEONARDO MICUA, PNA / ABN

Amianan Balita Ngayon