54 patay, 49 nawawala sa Cordillera dahil kay ‘Ompong’

LUNGSOD NG BAGUIO – Patuloy pang nadaragdagan ang bilang ng mga nasawi sa rehiyong Cordillera bunsod ng pananalasa ng bagyong si Ompong.
Sa pinakahuling ulat noong umaga ng Setyembre 17, ayon kay Department of the Interior and Local Government OIC-Regional Director Mario Iringan ay nasa 54 katao na ang namatay sa buong rehiyon na karamihan ay dahil sa landslide.
Kasabay ng paghupa ng masamang panahon sa paglabas ng naturang bagyo sa nasasakupan ng Pilipinas ay maaaring tumaas pa ang bilang na ito.
Sa mga nakumpirmang namatay ang Baguio City ay siyam, isa sa Kalinga, anim sa Mt. Province, at sa Benguet ay 38 kung saan ang pinakamalaking bilang ay sa bayan ng Itogon na 34 ang naitalang nasawi habang sa La Trinidad ay tatlo at isa sa Tuba.
May 49 na naitalang nawawala: lima sa Baguio, tig-isa sa Kabayan at Tuba at habang 42 sa Itogon.
Nasa 33 ang naitalang nasaktan: dalawa sa Apayao, 17 sa Benguet, dalawa sa Baguio City, apat sa Mt. Province, tatlo sa Kalinga at lima sa Ifugao.
Samantala, nagpapatuloy pa rin ang retrieval operations sa Itogon, Benguet kung saan naitala ang pinakamalaking bilang ng mga nasawi at nawawala matapos ang malalaking pagguho ng lupa.
Sa mga inisyal na ulat ay tinatayang 538 kabahayan at imprastraktura ang nasira, 114 sa Ifugao; 125 sa Kalinga; walo sa Benguet; apat sa Baguio; 255 sa Abra; 18 sa Mt. Province; at 14 sa Apayao.
Dalawang barangay sa Sta Marcela, Apayao (Consuelo at San Juan) ang hanggang tuhod ang baha habang pito pa ang binaha rin sa Luna at isa sa Kabugao, pawang sa Apayao.
Tinatayang 6,656 pamilya o 22,667 indibidwal ang nananatili sa evacuation centers sa rehiyon. Sa naturang bilang, 29 pamilya ay sa Abra; 2,775 sa Apayao; 158 sa Baguio; 546 sa Benguet; 591 sa Ifugao; 2,304 sa Kalinga; at 253 pamilya sa Mt. Province.
Samantala, gabi ng Setyembre 16 ay iniulat ng Department of Public Works and Highways-Cordillera na bukas na sa trapiko ang Marcos Highway at Naguilian Road habang nananatiling sarado ang Benguet-Nueva Vizcaya Road at Baguio-Bontoc Road.
Patuloy din ang pagsusuri ng mga kinauukulang ahensya upang malaman ang kabuuang pinsala na iniwan ni bagyong Ompong sa rehiyon. May ulat si ACE ALEGRE / ABN

Amianan Balita Ngayon